Face-to-face classes, planong ipatupad sa 120 paaralan sa bansa
Ni Lynxter Gybriel Leaño
PHOTO: Teller Reports |
Napagkasunduan na ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa 120 paaralan sa buong Pilipinas para sa darating na taong panuruang 2021-2022.
“We are informed that DOH has announced 120 schools planned for pilot face-to-face, subject to approval by [the] President,” ani DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan.
Iginiit din ni Usec. Malaluan na mas mataas pa nga ito sa 100 na siyang inirekomenda ng DepEd sa isinagawang senate hearing noong Agosto 25.
Dagdag pa niya, dahil umano sa hiling ni Education Secretary Leonor Briones, nadagdagan ng 20 pang mga eskwelahan mula sa mga pribadong paaralan ang pinahihintulutang magpatupad ng face-to-face classes na inaprubahan na rin ng DOH.
“No identified private schools yet; we will disclose the process upon approval of the Joint DepEd-DOH guidelines,” diin pa ni Usec. Malaluan.
Kaugnay nito, hindi pa naman naipipresenta ng DepEd ang rekomendasyong ito sa pangulo o gabinete para sa pinal na desisyon.
Samantala, ipinahayag naman ni Sec. Briones na ang taong panuruang 2021-2022 ay gagamit pa rin ng blended learning bilang tugon sa pag-aaral ng mga estudyante sa gitna ng pandemya.
Binigyang-diin din niya ang pagpapalawak sa paggamit ng television at radio-based learning materials para sa edukasyon bilang dagdag na paraan ng pag-aaral sa ilalim ng blended-learning.
“We cannot deny the important role played by TV and radio in the country in the delivery of education, because not all have access to the internet,” paliwanag ng kalihim.
Sa kabilang dako, nasa listahan ng United Nations Children’s Emergency Fund (UNICEF) ang Pilipinas sa limang bansang hindi pa nakapagpapatupad ng face-to-face classes mula nang magkapandemya.
Kaya naman isa na rin ito sa mga dahilan kung bakit nagrekomenda na ang DepEd ng mga paaralang nabibilang sa mga low risk na lugar upang magsisimula ng face-to-face classes.
Bukod pa rito, ngayong Setyembre 13 na magbubukas ang klase sa mga pampublikong paaralan matapos aprubahan ni Pangulong Duterte noong Hulyo 16.
Mga sanggunian: Philippine Daily Inquirer, Philippine Star