Ni Alyssa Damole

PHOTO: Rappler

Sinita ni 1987 Constitution Framer  Christian Monsod ang Office of the Ombudsman matapos ang patuloy na pagtanggi na magbigay ng public access sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Monsod na siya ring dating Commission on Elections (COMELEC) Chairman, hindi isinulat ang 1987 Constitution upang "protektahan ng Ombudsman ang mga opisyal ng gobyerno".

"It seems that the present Ombudsman has forgotten that in a democracy, the people are the principals, and the government officials are their agents, not the other way around," aniya sa isang virtual forum na isinagawa ng Right to Know Right Now Coalition noong Setyembre 13, 2021.

Matatandaang ipinahayag din ni Ombudsman Samuel Martires ang kanyang kagustuhang magpatupad ng "jail time" sa kung sino mang kumwestiyon tungkol sa SALN ng mga government employees.

Ipinaliwanag din ni Former COMELEC Commissioner Luie Guia na ang pagkuha ng tiwala ng publiko ang pangunahing layunin ng pagsisiwalat ng SALN at Statements of Contribution and Expenditures (SOCE).

"SALN is such an effective tool in helping reduce opportunities for corruption, that the danger it is said to pose on public officers is outweighed by the benefit it has to having a transparent and accountable government," ani Guia.

Kaugnay nito, isinaad din ni former Philippine Center for Investigative Journalism Executive Director Malou Mangahas na mas 'transparent' pa ang SALNs ng low-ranking employees kaysa sa mga nakakataas.

Kanya ring sinabi na si Pangulong Duterte ang unang pangulo na hindi nag-disclose ng kanyang SALN sa loob ng 30 taon.

Taliwas sa kanyang sinasabing lumaki siya sa isang "simple lifestyle", ibinunyag ng 2017 SALN ni Duterte na hindi siya "lumaki sa hirap" kung kaya't iba't ibang organisasyon na ang nagtangkang ma-access ang kanyang SALN mula 2018 hanggang kasalukuyan.

Taong 2020 nang inilabas ni Martires ang Memorandum Circular No. 1, na siyang naghihigpit sa pag-access sa SALN na hawak ng Ombudsman, na pinuna ni Former Ombudsman Conchita Carpio-Morales dahil nilabag nito ang constitutional principle na "public office is a public trust". 


Sanggunian ng ulat: Rappler