COLUMN | Bagong pauso lang
Ni Zanti Alfonzo Gayares
Sa pagguhit ni Kent Ian Nellas |
Ngayong buwan ng Setyembre, sinimulan ng pamahalaan ang implementasyon ng COVID-19 Alert System sa National Capital Region (NCR). Ito ay bagong termino na ipinauso na naman ng pamahalaan kaugnay ng ipinatutupad na lockdown. Sa gitna ng krisis pangkalusugan, hindi nakakabuti sa mga mamamayan ang pabago-bagong hakbang ng gobyerno dahil nagdudulot lamang ito ng pagkalito.
Mula sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), inilipat ang NCR sa general community quarantine Alert Level 4 simula Setyembre 16 hanggang 30. Ito ay sinasabing bagong istratehiya bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng bilang ng nagpopositibo sa COVID-19 at sa malawakang pagkalat ng baryants nito. Sa ilalim ng bagong sistema, isinasaalang-alang din ang muling pagbuhay sa ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagluluwag ng mga restriksyon sa mga negosyo.
Pasok sa nasabing plano ang pagpapatupad ng granular lockdowns sa partikular na lokal at pagpapatupad ng mga restrikyon sa mga establisyemento at operasyon. Kung iisipin, napakarami na ng naging klasipikasyon at patakaran ng bansa sa kasalukuyang krisis. Dumaan na ang isang taon simula nang maisailalim ang bansa sa lockdowns at kwarantin. Sa kabila ng mga planong nailatag, nananatili pa ring malubha ang sitwasyon ng Pilipinas sa pandemya. Nakalulungkot na sa kabila ng isa sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo, kulelat pa rin ang bansa pagdating sa pagresponde sa COVID-19.
Samantala, sinabi ng Deparment of Health (DOH) nitong Setymebre 15 na 80% sa mga bagong COVID-19 cases ay nagmumula sa 11%-30% ng mga barangay sa NCR Plus at ilang Highly Urbanized Cities (HUCs). Dagdag pa rito, inihayag din nito na ang isinagawang analisis ng kagawaran ay sumusuporta sa pagpapatupad ng granular lockdowns sa mga piling lugar sa halip na malawakang lockdowns sa bansa. Nakadidismayang isipin na dumaan na ang isang taon bago pa mapagtanto ng kagawaran na palpak ang mga nailatag na plano sa pagsugpo ng sakit. Sinasalamin nito ang kawalan ng matibay na plano ng pamahalaan kontra COVID-19.
Lagpas 2 milyon na ang naitalang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Sa kabila nito, mala-usad pagong pa rin pagtugon ng pamahalaan sa kasalukuyang krisis. Kailangan ng bansa ng kongkretong solusyon at plano sa pagharap sa kasalukuyang krisis. Planong makapagbibigay sagot sa krisis sa ekonomiya, paglala ng kahirapan, at bulok na sistema ng edukasyon at kalusugan. Walang nagbabago sa sitwasyon ng bansa bukod sa walang katapusang pagbabago sa klaspikasyon at patakaran na kung iisipin, mga ekperimento at balangkas ng depektibong tugon ng gobyerno sa pandemya.