Nina Kier James Hernandez at Roland Andam Jr. 

PHOTO: BFP

Pinapayagan nang magdala ng baril ang ilang bumbero bilang bahagi ng paggampan sa kanilang tungkulin ngayong pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Bureau of Fire Protection (BFP) Modernization Law. 

Kasabay ng pormal na pagsasabatas ng nasabing panukala, binigyang-katwiran ni Duterte ang umano'y tunay na motibo ng paggagawad ng armas sa mga bumbero, nitong Biyernes, Setyembre 10. 

"Bakit mo bigyan ng baril ang mga bumbero e sunog lang ang kalaban niyan? You know, the organization itself and the individual bumbero, they are exposed to so many dangers," ani Duterte. 

Ayon pa sa Pangulo, makatutulong din umano ang pagbibigay ng armas sa mga bumbero upang kanilang maprotektahan ang mga sarili maging ang mga ari-arian ng pamahalaan.

"There are so many challenges in the work of a bumbero, in the day of his life na kailangang protektahan. So with providing yung baril, it would really just to ward off threats and destruction of government properties," wika niya. 

"It’s sad to say it, but ang ano dito, symbol ng ano is baril. Kung hindi ka makakita ng baril, hindi ka susunod. That is the reason why one of the things sa modernization kasali ‘yon," dagdag pa nito.

Aminado naman si Pangulong Duterte na mainit umanong pinagdebatehan sa Kongreso ang probisyon sa batas na nagpapahintulot sa mga bumbero na magdala ng baril.

Nakasaad sa nasabing probisyon na 14 lamang na mga bumberong kasapi sa security and protection unit para sa bawat panrehiyong opisina at panlungsod na istasyon ang maaaring magdala ng armas. 

Kaugnay nito, ayon naman kay Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa, na siyang nag-sponsor ng panukala, mayroon lamang 17 fire regional offices at 146 city stations sa bansa.

Ibig sabihin, nasa 2,282 lamang na mga bumbero o 7.9 porsyento ng 32,800 na kasapi ng BFP ang pinapayagan na makapag bitbit ng baril.

Giit pa ni Dela Rosa, tinatayang hindi bababa sa 80 milyong piso ang kakailanganin sa  pagbili ng mga nabanggit na firearm units.

Bukod sa 'arming' ng mga bumbero, sa ilalim ng kalalagdang batas, isasali na rin sa functions ng BFP ang pagtugon sa natural man o man-made na mga sakuna.

Tutulong na rin ang BFP sa rescue at emergency medical services sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pakikipag-coordinate sa mga lokal na pamahalaan at sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.


'CHR, umalma'

Magugunitang una na ring inalmahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang naturang batas na noo'y panukala pa lamang, at sinabing hindi tugma at kabilang sa mandato ng mga bumbero ang pagbibigay sa kanila ng baril.

Ayon pa kay CHR Spokesperson Jacqueline De Guia, “In extremely tense situations, such as fire in communities, bearing arms might cause more harm than good.”

“The mandate of the Bureau of Fire Protection is to prevent and suppress all destructive fires towards saving lives and properties. The inclusion of a provision in the BFP Modernization Bill authorizing more than 2,000 firefighters to carry guns is tangential to this role,” dagdag pa niya.

Naiintindihan din naman aniya ng CHR ang mga suliraning kinahaharap ng mga bumbero habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, ngunit pinag-aalala rin nilang baka makadagdag lamang sa tensyon ang mga baril ng mga bumbero sa mga fire rescue operations. 

Sa halip na gamitin ang budget para sa mga baril, ayon kay De Guia, mas dapat aniyang gastusin na lamang ito sa pagbili ng firetrucks, pagpapagawa ng fire stations, at pagdaragdag ng mas maraming tauhan sa pamunuan ng BFP.

“To this end, we urge the government to look deeper into the challenges of upholding this duty to find better match solutions to problems,” apila ni De Guia.