‘TOO-BIG TO BET’: NEDA, magbubuhos ng P1.07-T sa water sector plan hanggang 2030
Ni John Emmanuell Ramirez
PHOTO: Inquirer Business |
Upang masiguro ang malinis at madaling makuhanang suplay ng tubig, kakailanganin ng Pilipinas ng 1.07 trilyong pisong puhunan sa naturang sektor sa darating na siyam na taon, ayon sa bagong master plan ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa isang virtual launch noong Huwebes, binida ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua — bilang pinuno ng NEDA — ang bagong Philippine Water Supply and Sanitation Master Plan (PSWSSMP) na layong matugunan ang patuloy na pagtaas ng konsumpsyon sa tubig at kakulangan sa sanitation services.
“It aims to not only provide safe water supply and sanitation services for all Filipinos, but also ensure that these services can withstand disasters and protect the environment,” saad ni Chua.
Handa rin daw ang NEDA na makipag-ugnayan sa lokal at nasyonal na gobyerno at sa stakeholders para maisakatuparan ang plano bago dumating ang 2030.
Ayon kay NEDA Assistant Secretary Roderick Planta, ito ay dahil aabot sa sandaang bilyong piso bawat taon ang kakailanganin ng NEDA para makapagpatuloy sa plano, datapwat malaking bahagdan ng budget ang pupunan ng nasyonal na gobyerno.
“Increased collaboration with the private sector is considered to leverage loans from both government financing institutions and private financial institutions,” paliwanag ni Planta.
Bukod pa rito, dadagdag pa sa problema ang bagong patakarang nagsasaad na mga local government unit (LGU) na ang gagastos para sa mga serbisyo ng gobyerno, kabilang na ang suplay sa tubig.
Kung tutuusin, tubig pa rin daw ang isa sa prayoridad na sektor na dapat pahalagahan ng mga LGU, sa tulong ng bagong 10 bilyong pisong Growth Equity fund (GEF) sa ipinaprubang 5.02 trilyong pisong 2022 national budget, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
“By having clear policies and a unified framework, we look forward to more investments and participation from the private sector, the international development community, as well as local and national agencies,” dagdag ni Sec. Chua.
Matatandaang sinimulan ng buuin ang master plan noon pang 2017, at kamakailan lamang noong Abril 6 naaprubahan ng NEDA Board Committee on Infrastructure ang plano upang solusyunan ang problema sa suplay ng tubig sa mga darating na panahon.
Pahayag ni Chua, tanging 44 bahagdan lamang ng mga kabahayang Pilipino ang may indibidwal na koneksyon sa maayos at retikuladong waterworks system.
"The remaining 56 percent, or 57 million Filipinos, have to fetch water for their families from communal pipes or worse, from springs or wells up to 250 meters away,” aniya.
Ang mga naturang kondisyon ang nagbibigay ng posibilidad sa kanilang maapektuhan ng kasalukuyang COVID-19 virus outbreak sa panahong maayos na pangangalaga sa pangangatawan ang dapat unahin, kaya’t diin ni Chua, marapat na siguruhing bawat Pilipino ay ligtas.
Upang malutas ito, aasahan ng mga mamamayan ang pagbuo ng bagong Water Sector Apex Body para sa hiwa-hiwalay na sektor ng suplay at sanitasyon ng tubig — itatalaga itong tagapanguna sa pagbuo ng mga polisiya, pagpaplano, paggawa ng mga programa, at pamamahala sa naturang sektor.
Suportado rin ng master plan ang pagtatatag ng bagong independent economic regulatory body na sasaklaw sa lahat ng mga service providers ng sektor, kabilang na ang taripa sa tubig.
“With the lack of a department for policy-making, planning, investment, budgeting, programming, investments, resources coming in the sector would not be commensurate for the needs to achieve the SDG goal by 2030," wika ni Ass. Sec. Planta.
Paliwanag niya, hangad din nilang maapruba ang isang Executive Order na magdedeklara sa lehislasyon ng Department of Water Resources at ng Water Regulator Commission — ang kagawaran ang inaasahang mamamahala sa water resources, habang ang komisyon ang bahala sa regulasyong pang-ekonomiya.
Bukod pa rito, tatalakayin din nila ang planong paunlarin ang climate resiliency sa suplay ng tubig, mabuksan ang pinansyal na aspeto ng sektor, ayusin ang datos at impormasyon patungo sa limitasyon ng pamumuhunan, at mapalawak ang pananaliksik at pag-unlad ng sektor.
Mga sanggunian: The Manila Times, Inquirer Business, Manila Bulletin