DENR ground commander, pinalitan matapos dagsain ng libo-libong katao ang Dolomite Beach
Ni Irene Mae Castillo
PHOTO: Photoville International |
Dinumog ng tinatayang 121,000 katao ang Manila Baywalk Dolomite Beach noong ika-24 ng Oktubre, ayon sa Department of Environment and Natural Resources, kaugnay ng pagbababa ng COVID-19 restrictions sa Alert Level 3 sa buong National Capital Region.
Ayon sa mga eksperto, maaaring maging super spreader event ang nangyaring pagdagsa ng publiko lalo't marami ang lumabag sa mga regulasyon ng Inter-Agency Task Force Against COVID-19.
Kaugnay nito, inanunsyo ni DENR Secretary Roy Cimatu na papalitan niya ang ground commander sa Dolomite Beach na si Director Jacob Meimban Jr. matapos ang anumalya sa hindi makontrol na pagpasok ng mga turista.
“Being the commander, he takes full responsibility for what happened. While appreciating the gesture of that, kailangan imbestigahan pa din naman," ani Cimatu.
Dagdag pa rito, sinabi ng Environment Secretary na ang ipapalit niya kay Meimban ay si Director for the Environmental Law Enforcement and Protection Service Reuel Sorilla, isang retiradong heneral, lalo't ang naging isyu ay ang pagpapatupad ng mga regulasyon.
Matatandaan na sa pagbubukas ng naturang pasyalan noong ika-16 ng Oktubre, agad na pinaalalahanan ng Department of Health ang DENR na dapat ay nasa 50 porsyentong kapasidad lamang ang mga taong maaaring pumasok, alinsunod sa mga protocol para sa mga lugar na nasa Alert level 3.
"Ang ating mga ahensya, may responsibilidad kayo to prevent these mass gatherings kasi kung ganito lang po ang mangyayari sa'tin babalik po tayo sa dating paghihigpit at ayaw po natin lahat 'yan." ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Samantala, nagbaba naman ng utos si Environment Undersecretary Benny Antiporda na hindi na papayagang pumasok sa beach ang mga batang 12 taong gulang pababa mula ika-26 ng Oktubre. Bilang karagdagan, inanunsyo niya rin ang pagsasara nito mula Oktubre 29 hanggang Nobyrembre 3 kasunod ng pagdiriwang ng Undas.
Siniguro naman ng ahensya na nakikipagtulungan sila sa mga sangay ng gobyerno upang mas mapagbuti ang pag-iimplementa ng mga regulasyon sa Dolomite Beach.
Mga sanggunian: ABS-CBN News, pasabilisSMR Twitter, ABS-CBN, Philippine Daily Inquirer