Ni Xhiela Mie Cruz

PHOTO: ABS-CBN News

Inamin ni Manila Broadcasting Corporation (MBC) vice president and DZRH Nationwide station manager Cesar Chavez ang maling ulat laban kay Vice President Leni Robredo tungkol sa pagtanggap umano ng suhol ng kaniyang mga taga-suporta sa Northern Samar para lumahok sa isang caravan.

Aniya, sa mismong awtor ng artikulo na mismo nanggaling na wala itong pinagkuhanang kahit anong ebidensya na nagpapatunay ng kaniyang mga ipinayahag sa istorya.

“Paumanhin po kay VP Leni Robredo at sa kanyang mga supporter na nagsagawa ng motorcade sa ilang bayan sa Northern Samar noong nakaraang Sabado, Oktubre 30, 2021,” pahayag ni Chavez sa isa sa kaniyang mga social media account.

“Sa aking pagsisiyasat hanggang sa oras na ito, walang direct quote ang aming reporter mula sa sinuman na nagsabing siya o sila ay  ‘hindi nabayaran’ at umano’y ‘binulsa ng mga organizer’ ang bayad na dapat para sa kanila kapalit ng pakikilahok sa kanilang motorcade,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Chavez, kasalukuyan nang suspendido sa serbisyo ang reporter na gumawa ng pekeng balita habang patuloy pa rin umano ang kanilang pag-iimbestiga sa naturang usapin.

“Ibig sabihin, mismong ang reporter namin ay walang nakausap kahit isang nilalang sa Northern Samar na nagsabi na may naganap na bayaran o mayroong hindi nabayaran sa event na iyon. Dahil dito, suspended muna sa pagbabalita ang nasabing reporter sa aming himpilan habang isinasagawa pa ang karagdagang pagsisiyasat,” paliwanag niya.

“Hindi namin kinokonsente ito. Hindi namin policy ito. Ngunit tinatangap po namin ang pananagutang sa pagkakamaling ito, kasunod ng aming pagtiyak sa publiko na higit pa naming pagsisikapan ang isang balanced, fair and responsible reporting sa aming multimedia platforms,” saad pa ni Chavez.

Sa kabilang banda, pinasalamatan naman ni VP Robredo si Chavez sa agarang pagkumpirma ng kanilang pagkakamali habang isiningit naman ng ng Spokesperson ng VP na si Atty. Barry Gutierrez ang kahalagahan ng social media sa mga panahon ngayon.

“Maraming salamat sa agarang pag responde sa reklamo ng ating supporters,” saad ni VP Leni.

“As support for VP Leni grows, we know that the hired trolls of other candidates will work overtime to spread lies and fake news. But we expect a bit more from those in the media profession,” dagdag pa ni Gutierrez.

Base pa sa pahayag ng mga sumusuporta kay VP Robredo, galing sa kanilang sariling mga bulsa ang lahat ng kanilang ginagastos sa pakikiisa nila sa nasabing caravan.

“Everyone who participated spent their own money for their food, drinks, gasoline, and other expenses,” ani Leni For President Movement- Northern Samar sa isang Facebook post.

“Some donated tarpaulins, stickers, banners, ribbons, balloons, snacks and bottled water, but there was no fund or ‘pondo’ that was given by the OVP or any individuals or group of individuals associated directly or indirectly with VP Robredo or her team,” dagdag niya pa rito.


Sanggunian ng ulat: Philippine Daily Inquirer