Ni John Emmanuell P. Ramirez

PHOTO: Rappler

Sa kamakailang pag-isyu ng summons ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa petisyong diskwalipikasyon sa kanyang kandidatura sa pagkapangulo noong Huwebes, bibigyan na si former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ng limang araw upang dumulog at iresolba ang isyu sa komisyon. 

Sa isang panayam, ipinahayag ni COMELEC Director James Jimenez na parte ito ng proseso ng pagresolba sa mga kasong inihain ng mga grupo ng mga petisyoner laban sa pagtakbo ni Marcos sa 2022 presidential race, na mistulang aabot pa ng mahigit apat na linggo bago maisapinal ang desisyon.

"Summons was issued yesterday, and is expected to be served today. We are awaiting proof of service. Upon receipt of the summons, the respondent will have five days to file an answer," wika ni Jimenez noong Biyernes. 

Ang unang petisyon noong Nobyembre 2 ang nagdidiing hindi maaaring tumakbo si Marcos sa anumang posisyon sa gobyerno mula noong na-convict siya ng Quezon City Regional Trial Court noong 1997 sa isang tax evasion case; sinundan naman ito ng pangalawang petisyon na pumapaksa sa “automatic penalty of disqualification of the tax code.”


Prosesong Isinulong

Inaasahang matapos makapaghain ng sagot ang kampo ni Marcos sa summons ng komisyon, magtatalaga sila ng araw para sa gaganaping pre-conference meeting upang pagharapin ang bawat abogado o mga partido.

Pagkatapos nito, bibigyan muli ang bawat partido ng tatlong araw sa pagsusumite ng kanilang mga memoranda bago ikonsidera ang kaso para sa isang resolusyon.

Bagamat wala pang naibinbing timetable ang COMELEC hinggil sa kung kailan mareresolba ang mga petisyong diskwalipikasyon, nilinaw naman ni spokesperson Jimenez na aabutin pa ng higit sa apat na linggo ang buong proseso.

"There is no deadline. The Commission will resolve it as quickly as it is resolved," wika ni Jimenez.
"Bottom line, considerably expect at least four weeks before we see anything changing in the landscape, before we see movement," dagdag pa niya.


‘Bakit Nga Ba Nakakatakbo Pa?’

Bago pa simulan ang proseso, naipaubaya na sa pamamagitan ng isang raffle ang kasong diskwalipikasyon ni Marcos sa pangalawang dibisyon ng COMELEC na binubuo nina Commissioners Socorro Inting at Antonio Kho, Jr, na parehong itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang mga naturang petisyon naman ay inihain ng dalawang magkahiwalay na grupong dumulog sa magkahiwalay na araw—ang unang grupo noong Nobyembre 2 ay ilang mga civic leader at mga human rights activist na katuwang ang kanilang abugado na si Ted Te mula sa Free Legal Assistance Group, na dating spokesperson ng Korte Suprema.

Binubuo naman ang pangalawang pangkat ng sampung indibidwal na inirerepresenta ng kanilang abugado na si Howard Calleja, tagapanguna ng mga pulong ng kowalisyong 1Sambayan, na naghain ng ‘motion of intervention’ sa COMELEC upang maipasa ang kanilang sariling petisyon na lumampas na sa itinalagang deadline.

Iginigiit naman ng parehong petisyon na nagkasala na sa hukuman si Marcos sa kanyang pagkukulang na maghain ng income tax returns mula 1982 hanggang 1985, ngunit naibasura lamang ng Court of Appeals ang penalty ng pagkakakulong at pinagbayad na lamang siya ng piyansang 36,000 piso.

Kung tutuusin, maikakansela sa election code ang kandidatura ng isang taong nasentensyahan ng mahigit 18 buwan na pagkakakulong o ng isang krimeng tungkol sa moral turpitude nito, ngunit binalewala na lamang ang ganitong kaso sa sitwasyon ni Marcos, ayon sa kampo niya.

"Ang tanong ngayon ay yun bang hindi pag-file ng income tax return yun ba ay crime involving moral turpitude? Siyempre hindi,” sagot ni former Justice Secretary Alberto Agra ng administrasyong Arroyo, mula sa isang press release ng kampo.

Samantala, bumanat naman ang grupo ni Callejo sa kanilang petisyon nang ibinangko nila ang pahayag sa Section 252-C ng tax code patungkol sa diskwalipikasyon ng mga offender sa mga public office, kung sila ay isa nang pampublikong opisyal noong sila’y nahatulang nagkasala sa kanilang mga buwis.

Dahil nga bise-gobernador at gobernador na rin ng Ilocos Norte si Marcos noong hindi siya naghain ng income tax returns (ITR), siya dapat ay “perpetually disqualified” na sa paghawak ng anumang pampublikong opisina.

"The provision is clear and is not subject to any interpretation. The fact of conviction alone should render a public officer candidate ineligible as he is thus perpetually disqualified pursuant to law,"
Nilinaw din ng petisyon na wala ring naganap na pagbabago sa naturang batas dahil mula pa noong 1977 tax code ay nailathala na ang naturang probisyon.

Ngunit, hindi nabanggit sa Court of Appeals ruling noong parehong taon nang masinsinan ang “accessory penalty” na ito, dahil ayon sa desisyon ng Korte Suprema, "it is unnecessary to express the accessory penalties in the sentence."

Sa kabila ng mga kontradiksyon, mistulang naipanalo pa ni Marcos ang mga posisyong tinakbuhan niya pagkatapos, at nakatakbo pa laban kay Pang. Pangulong Leni Robredo sa pagka-bise presidente noong 2016.


Pagbura sa Motibong Mandapa

Malakas naman ang kumpiyansa ni former Sen. Marcos na maibabasura lang ang mga petisyon laban sa kanya, dahil wala raw sapat na basehan ang mga kasong ikinasa ng mga petisyoner.

Idiniin ni Marcos sa isang press conference noong Lunes, na sasagutin ng kanyang mga abugado nang walang alinlangan at kahirapan ang mga reklamo sa lalong madaling panahon, kasabay ng kanyang pahayag na matagal na raw naisaayos ang isyu na ito.

“I consider it as a nuisance complaint,” saad ng tatakbong pangulo.

“Of course, our opponents will do everything to bring me down. In due time, we will answer the case and we would show that it really has no sufficient grounds,” dagdag pa niya.

Matatandaang inakusahan nga ng kampo ni Marcos ang grupo ng presidential bet na si Pang. Pangulong Robredo na pasimuno umano ng mga petisyon bilang atake ng oposisyon sa kanyang pagtakbo, at pinayuhan silang iatras ang nasabing mga kaso.

Mariin namang nilinaw ni Robredo na wala siyang kinalaman sa mga kasong ibinibin ng mga petisyoner, at kahit na wala ay hindi niya uutusan o kukumbinsihin sa mga nagpanguna ng diskwalipikasyon na iatras ang kaso.

“Sa akin naman hindi naman kami diktador, bakit namin didiktahan ‘yong mga petitioners na i-withdraw ‘yon,” daing ng bise-presidente sa isang online forum ng Rotary Club of Makati noong Martes.

“But if Mr. Marcos thinks that there is no ground for the petition to prosper, wala naman siyang dapat ikatakot,” aniya.

Kinumpirma naman ni Attorney Calleja, na abugado ng pangalawang grupo ng mga petisyoner at naging isa ring panelist sa naturang online forum, na walang naging pag-uusap sa pagitan nilang dalawa, kahit na may koneksyon si Robredo sa 1Sambayan bilang kanilang standard-bearer.

“Sir if I’m not mistaken, Attorney Howie Calleja is one of the petitioners, tanungin natin si Atty. Howie if we had anything to do with the petition,” banggit ni Robredo.

“Of course Madam Vice President, I’m here to confirm that we never talked about the petition, so I think that is to clear the air on everything,” saad ni Calleja.


Mga sanggunian:

[1] Depasupil, William. 2021. “Comelec Summons Bongbong Marcos.” The Manila Times. November 13, 2021. https://www.manilatimes.net/2021/11/13/news/national/comelec-summons-bongbong-marcos/1821998.

[2] Gonzales, Cathrine. 2021. “Comelec: Summons Issued for Petition to Cancel Bongbong Marcos’ COC.” INQUIRER.net. November 12, 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1513927/fwd-comelec-summons-issued-for-petition-to-cancel-bongbong-marcos-coc.

[3] DEPASUPIL, WILLIAM B. 2021. “Comelec to Hear Marcos Disqualification Case.” The Manila Times. November 10, 2021. https://www.manilatimes.net/2021/11/10/news/comelec-to-hear-marcos-disqualification-case/1821653.

[‌4] “Civic Leaders Seek to Block Bongbong Marcos’ Candidacy for President.” n.d. Rappler. https://www.rappler.com/nation/elections/petition-deny-due-course-comelec-bongbong-marcos-candidate-president-2022-polls.

[5] “New Petition vs Bongbong Marcos Banks on Tax Code’s Automatic Disqualification.” n.d. Rappler. https://www.rappler.com/nation/elections/new-petitions-vs-bongbong-marcos-banks-tax-code-automatic-disqualification.

[6] Gabieta, Joey. 2021. “Bongbong Confident DQ Case Will Get Tossed.” INQUIRER.net. November 8, 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1512159/bongbong-confident-dq-case-will-get-tossed.

[7] Lalu, Gabriel Pabico. 2021. “Robredo: Why Would I ‘Dictate’ Petitioners to Withdraw DQ Case vs Marcos?” INQUIRER.net. November 9, 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1512528/robredo-why-would-i-dictate-petitioners-to-withdraw-dq-case-vs-marcos?utm_medium=Social&utm_source=Facebook#Echobox=1636448228.