PRRD planong itaas ang healthcare volunteers' incentive: Kung maubusan ng pera, 'Nandiyan naman ang World Bank'

Ni Kier James Hernandez 
PHOTO: Rappler, CNN Philippines

Balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na dagdagan ang insentibo para sa mga healthcare volunteers, at kung sakali man daw na kulangin ang pondo para dito'y “no problem” dahil puwede namang mangutang ang bansa sa World Bank. 

Sa kaniyang Talk to the People Address kahapon, Enero 6, iginiit ng pangulong maliit ang insentibo para sa mga boluntaryo na kasalukuyang nasa 5,000, depende pa sa pamantayan kung sila'y direktang may contact sa mga COVID patients. 

"I think that the 5,000 is masyadong maliit ngayon considering the attendant danger to the guys, medyo they should be given more. I will increase. Hindi ko pa masabi magkano, wala mang budget dito," sabi ng pangulo. 

"Wala naman tayong --- nandiyan naman ang World Bank, eh maghiram tayo kung wala na pera," dagdag pa. 

Ang mga volunteers ay ang mga post-graduate interns na naghihintay ng resulta para sa kanilang board exam. Tinatanong sila ng mga ospital kung saan nila natapos ang kanilang internship para tumulong, para magboluntaryo. 

Sa kabilang banda, hindi naman iniisip ni Pangulong Duterte na mauubusan ang bansa ng pera lalo na't "Secretary [Carlos "Sonny" García] Domínguez [III] is a resourceful person." Si Domínguez ay ang kasalukuyang finance secretary ng bansa. 

Pinasalamatan naman ng pangulo ang lahat ng mga boluntaryo at mga bansa na nagbigay ng kani-kanilang tulong. 

"Now, pasalamat rin tayo doon sa tumulong dito but I would do it during my extra time later. I would like to thank the people and the ano countries that extended their helping hand," aniya. 

"Well, to those who are entertaining the idea of getting into the role of volunteers, I will raise the amount. Ano basta --- tutal ano ba naman ‘yang pera? Ubusin natin ‘yung pera nitong gobyernong ‘to para sa inyo," giit pa ng pangulo.



Previous Post Next Post