Ni Nikki H. Coralde
PHOTO: Daily Guardian 

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakuha ng isang babae at ‘democratic socialist’ na si Xiomara Castro ang pinakamataas na posisyon sa Honduras at matagumpay na napatalsik si Juan Orlando Hernandez sa walong taon nitong panunungkulan sa bansa.

Matapos pumalya sa tatlong beses na pagsubok sa puwesto, nanumpa nitong Huwebes, ika-27 ng Enero si Castro sa harap ng libo-libong residente ng Honduras sa isang seremonya na ginawa sa national stadium ng Tegucigalpa.

Sa kaniyang talumpati, idiniin ng bagong pangulo na tututukan nito ang korupsyon, kahirapan, karahasan at mga problemang may kaugnayan sa mga US-bound migrants, gayundin ang pamimigay ng libreng kuryente sa mahigit isang milyong mamamayan ng Honduras.

“The economic catastrophe that I’m inheriting is unparalleled in the history of our country,” aniya.

Sa kabilang banda, ang pagkapanalo ng democratic socialist ay tumapos sa walong taong panunungkulan ni Hernandez na ngayon ay idinidiin ng US courts sa kaso ng korapsyon at kaugnayan nito sa drug-traffickers.

Sa ngayon, haharapin ni Castro ang malaking problemang pang-ekonomiya ng bansa na ang kabuuang utang ay nasa humigit-kumulang $15.5 bilyon, o halos 60% ng gross domestic product. 

“My government will not continue the maelstrom of looting that has condemned generations of young people to pay the debt they incurred behind their back," pahayag ni Castro.

Si Castro ay asawa ni dating pangulong Manuel Zelaya at ang kauna-unahang babaeng presidente ng Honduras.

Ayon sa United Nations, Honduras ang may pinakamataas na femicide rate sa Latin America. Noong 2020, nakapagtala ito ng 220 na kaso ng pagpaslang batay sa kasarian at humigit kumulang 240 naman nitong nakaraang taon.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo