Ukraine, umaasang hindi hahantong sa digmaan vs Russia; nakahanda pa rin kung sakali

Ni Emmanuell Ramirez

PHOTO: Yalibnan News

“With regards to being on a military footing, we understand there will be no war.”

Naniniwala si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na walang giyerang magaganap sa pagitan ng Russia at ng kanilang estado, ngunit nagbabala na handa silang dumepensa kung “iigting” ang Russian military aggression na inaasahang lalawak sa kanilang rehiyong sakop ng pro-Russian separatists. 

“There will not be an all-out war against Ukraine, and there will not be a broad escalation from Russia. If there is, then we will put Ukraine on a war footing,” depensa ni Zelensky sa press conference sa Kyiv, ukol sa nakaambang puwersang pinahintulutan ni Pangulong Vladimir Putin ng Russia noong Lunes.

Nanindigan ang pangulo ng Ukraine na mareresolba ito sa negosasyon sa pagitan ng kanilang mga bansa, at kinokonsidera pa lamang sa ngayon ang pagpuputol ng diplomatic relations sa Russia na hiniling ng Ukrainian Foreign Ministry.

“I will be considering this, and not only this, but also the effective actions we can take with regards to the escalation by Russia,” babala niya.

Kasabay nito, nanawagan na rin ang Ukraine sa emergency meeting ng United Nations (UN) Security Council na umaksyon ang mga nasyon upang kondenahin at pilitin ang Russia na pigilin ang paglusob ng kanilang puwersa patungo sa Donetsk at Luhansk regions sa silangan ng kanilang estado.

Ito’y matapos lagdaan ni Putin ang mga pormal na decrees na kikilala sa independence ng dalawang pro-Moscow territories sa Eastern Ukraine, ang Donetsk People's Republic at ang Luhansk People's Republic, sa isang live-televised ceremony.

Bunsod ng rekognisyon na ito, ipinautos na ni Putin ang pagpapadala ng mga “peacekeeper” forces sa dalawang rehiyon na ang kabuuan ay Donbas, upang palawakin ang military exercise sa labas ng kanilang border.

Dito bumanat si Ukraine President Zelensky na paglabag ito sa kanilang nasyonal na integridad at soberanya, kaya’t sisiguruhin nilang mananatili ang international borders ng bansa sa kabila ng mga deklarasyon at babalang binitawan ng Russia.

“We are on our land, we are not afraid of anything and anyone, we don't owe anything to anyone, and we will not give away anything to anyone. And we are confident of this,” wika ni Zelensky.


Implikasyon sa Estado 

Nagbabala ang pangulo ng Ukraine na makaaapekto ang mga aksyon ni Putin sa kasalukuyang payapang negosasyon, na maaaring magtungo naman sa pagsasawalang-bahala ng Russia sa Minsk Agreement at Normandy agreement na nagsisiguro ng ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.

Ang naturang Minsk Agreement ay nabuo noong 2015 sa Belarusian capital, upang mapigilan ang sampung buwang tension sa pagitan ng Ukraine military forces at separatist Donbas rebels na sinuportahan ng Russia, na nauwi naman sa isang “shaky ceasefire.”

Ito’y nagdulot sa isang ban para sa mga armas at makinaryang pandigmang malapit sa Line of Contact na naghihiwalay sa area na kontrolado ng mga separatista at Ukraine, ngunit hindi ito na-implementa nang maayos at hindi naresolba ang isyu.

Buhat ng namuong tensyon sa nagdaang walong taon, nagpatuloy ang Russia na gawin ang kanilang makakaya upang makuha ang control sa mga separatistang suportado sa Moscow—na nagsilbing “pretext” para sa isang nakapangangambang invasion ng Russia sa Ukraine.

Dinepensahan ni Putin ang kaniyang desisyon na angkinin ang naturang area, at nagsabing integral na parte ng kasaysayan ng Russia ang Ukraine, lalo na ang silangang bahagi nito na sakop dati ng kanilang bansa, at buo ang loob ng kanilang mamamayan na susuportahan nila ang kanyang aksyon.

Kasabay nito, ipinakita sa isang Russian state television ang paglagda ng punong ehekutibo kasama ang mga separatist leader, sa naturang decree na nangangako ng kalayaan sa pagitan ng dalawang humiwalay na Ukrainian regions, maging ang napagkasunduang kooperasyon at pakikipagkaibigan sa kanilang estado.


Aksyon ng Unyon

Sa puntong nag-utos si Putin na ipasok ang puwersa ng mga Russian sa teritoryo ng Ukraine, inalmahan niya ang babala ng mga Kanlurang estado, at napilitang magpatawag ng isang emergency session kasama ang United States (US), limang Europeong bansa, at Mexico sa UN Security Council.

Dito kinuwestiyon ng US Ambassador sa United Nations ang “peacekeepers” na ipinadadala ng Russia sa Donbas, kung saan sinusubukan ni Putin na gumawa ng excuse para simulant ang pagsakop sa Ukraine; wika ni US Ambassador Linda Thomas-Greenfield, “history tells us that looking the other way in the face of such hostility will be a far more costly path.”

“We will continue these efforts and call on Russia to match its words with deeds when it claims to be in favor of dialogue and to reverse the decision to recognize the separatist entities,” pahayag naman ni French UN Ambassador Nicolas De Riviere.

Nag-ulat naman si British UN Ambassador Barbara Woodward na kasulukuyang nang pumapasok ang mga tropa at tanke ng Russia, at nagbabalang, “an invasion of Ukraine unleashes the forces of war, death and destruction on the people of Ukraine.”

“We urge Russia to step back,” diin ni Woodward, kasabay nang kanyang daing na respetuhin sana ng Russia ang kanilang obligasyon sa ilalim ng UN Charter.

Kasabay ng pagkondena sa mga aksyon ng Russia, ipinaratangan naman na “sick” ni Ukraine ambassador Sergiy Kyslytsya ang UN dahil sa hindi pagbibigay aksyon nito sa nang mga nagdaang taon, at hinikayat ang mga miyembro nito na depensahan ang soberanya at integridad sa teritoryo ng kanilang nasyon.

“It is critical to see now who is our true friend and partner, who is on the side of the UN charter, and who will continue to deter Russia by words only," banat ng ambassador ng Ukraine.


Depensa ng Russia

Sa kabilang banda, inakusahan naman ng Russian UN Ambassador Vassily Nebenzia ang Estados Unidos at ang kaalyado nitong taga-Kanluran sa pagtutulak sa Ukraine sa isang “armed provocation.”

Nabanggit niyang nakapaglapag na ng 120,000-strong military forces ang Ukraine sa naturang Line of Contact, kung saan nasa silangan naman ang mga pro-Russian separatist.

Akusa rin ng Ukraine na sila mismo ang nagpalakas ng pagbobomba sa mga residensyal na lugar sa Luhansk at Donetsk, at sa mga bayan ng Russia na malapit sa border; dagdag niya, “So it has become clear that Donbas is on the brink of a new Ukrainian military adventure as was already the case in 2014 and 2015.”

Ayon sa ulat ng mga awtoridad ng separatist movement, apat na sibilyan na ang namatay sa mga pang-bobomba ng Ukraine sa nagdaang 24 oras, kung saan  marami rin ang naitalang sugatan. Ibinalita naman ng Ukraine military na dalawang sundalo ang namatay sa nagdaang sabado’t linggo at isa ang sugatan.

Nanindigan si Pavlo Kovalchyuk na tagapagsalita ng Ukraine military na hindi sila “nagbabalik ng bala.”

“We remain open to diplomacy for a diplomatic solution,” pahayag ng ambassador ng Russia; “however, allowing a new bloodbath in the Donbas is something we do not intend to do.”

Giit niya, “No one other than you can hold back the militaristic plans of Kyiv and force it to stop the shelling against the Luhansk and Donetsk People’s Republics which in these new conditions could have extremely dangerous consequences.”

Depensa naman ni Ukrainian Minister of Defense Oleksii Reznikov na nanatili silang kalmado at buo ang loob, sa kabila ng puwersahang paglusob ng Russian forces sa Donbas.

“We are ready and able to defend ourselves and our sovereignty,” pasubali ng ministro.


Iwinasto ni: Kyla Balatbat



Previous Post Next Post