'MAY HIMALA!': Imelda Marcos, biglang nawala umano ang karamdaman matapos manalo si BBM
Ni Zamantha Pacariem
PHOTO: Reuters |
Tila biglang naglaho ang mga karamdamang dinadaing ni dating first lady Imelda Marcos, dahil siya raw ay “extra excited at “so happy” sa pagkapanalo ng kanyang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Eleksyon 2022, ayon sa isa sa kanyang mga anak.
“She’s suddenly able to hear, to walk, lahat ng sakit-sakit noong panahon ng COVID-19. Lahat ng nararamdaman biglang nawala. Maliksing-maliksi,” ani ng kanyang anak na si Senator Imee Marcos.
Noong 2018, sinentensyahan ng Sandiganbayan ang dating unang ginang ng 87 na taon na pagkakakulong para sa pitong kaso ng graft, ngunit hindi nito dinaluhan ang paghahatol dahil siya umano ay nakakaranas ng “multiple organ failure."
Gayunpaman, kasama siya sa mga dumalo at sumama sa proklamasyon ng kanyang anak na si Bongbong nitong linggo lamang.
Ayon pa kay Imee, “Siyempre ‘yung nanay ko sobrang excited. Tuwang-tuwa siya sa mga pangyayari."
Dagdag pa niya, napaka-liksi raw ng kanyang ina na parang hindi raw ito 92 taong gulang, kung hindi ay 29 muli.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat ang senador sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa kanilang pamilya na makabalik sa Malacañang.
Iniwasto ni Ricci Cassandra Lim