HELLO GUYS, WELCOME TO MALACAÑANG! Accreditation ng mga vlogger para mag-cover sa Palasyo, isusulong ng PCOO

Ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: Inquirer.net

Iminungkahi ni incoming Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na isa sa mga prayoridad ng papasok na administrasyon ang pagpapahintulot sa mga vlogger na mag-cover ng mga ganap sa Malacañang, partikular na sa mga press briefing ni President-elect Ferdinand Marcos Jr.

Saad ni Cruz-Angeles, na isang vlogger din mismo, aasahan pa ring makakasama ang mga miyembro ng media sa mga kaganapan sa loob ng palasyo sa ilalim ng kanyang pamumuno ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

“We are, however, pushing for the accreditation of vloggers to be invited to some of the briefings, especially those conducted by the president-elect. ‘Yon ang isa sa aming na-formulate na priority for the incoming PCOO,” aniya sa Laging Handa briefing.

Magugunita na isinulong din ng administrasyong Duterte ang accreditation ng mga vlogger at kilalang personalidad sa social media, ngunit bihira lamang ang mga itong dumalo sa mga pagpupulong ng Malacañang na isinasagawa ng Presidential Spokesperson kasama ang mga mamamahayag.

Itinalaga rin mismo ni Pangulong Duterte ang isang vlogger at entertainer na si Mocha Uson bilang Assistant Secretary sa PCOO, na siyang umani naman ng batikos ukol sa pagpapakalat ng mga pekeng balita sa kanyang mga social media account. 

Sa kabilang dako, binanggit din ni Cruz-Angeles na pinagtutuunan niya rin ng pansin ang mga "issues of misinformation" kasabay ng pagbibigay prayoridad sa mga proyekto ng PCOO.

"We are looking at opening up discourse, looking at the issue of misinformation because it seems like a hot button nowadays. We are looking at these issues when we prioritize projects for the PCOO," aniya.

Hindi rin niya masasabi kung papayagan na ba ang lahat ng mga mamamahayag at ang kanilang pisikal na pakikilahok sa mga press briefings ng palasyo.

“We’ll have to take a look at the existing policy first and determine, make a decision later on as to how appropriate they are for the current time. Other than that, we’ll have to wait and see, pending a review of all existing policies regarding the coverage in Malacañang,” wika ni Cruz-Angeles. 

Dagdag naman niya, nagpaplano silang magsagawa ng regular na press briefing nang isa o dalawang beses sa isang linggo.

“The regular once a week are for the updates on pending issues, and then possibly a second one if there are issues that need to be addressed immediately. We’re not going to limit it, of course. If it is necessary, we will have more briefings. But other than that, the plan is one or two at least,” saad niya.


Iniwasto ni Kyla Balatbat

Previous Post Next Post