Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

PHOTO: Suwanrumpha/AFP/Getty Images; Soe Zeya Tun/Reuters

Selebrasyon kung maituturing ng LGBTQIA+ community mula sa bansang Thailand ang pag-apruba ng mga mambabatas sa apat na panukalang inihain sa kanilang kamara na nagsusulong sa pagtatag ng same-sex union.

“I am very happy and glad, it is a good sign in Pride month that there are MPs who want equality and vote for the bills,” pahayag  ni Nada Chaiyajit, isang LGBTQIA+ activist.

Nakapaloob sa bawat panukala ang pagbibigay ng mga legal na karapatan para sa same-sex partners na halos kapareha ng naipagkakaloob sa mga heterosexual partners.

Una nang inihain ng gabinete ng Thailand ang dalawang panukala na naglalayong maipasa ang batas tungkol sa same-sex civil partnership na katulad ng isa pang panukala rin mula sa Democrat Party.

Naipasa naman ang ikaapat na panukala mula sa oposisyong Move Forward Party na naghahangad na mapalitan ang mga terminong may kasarian sa mga kasalukuyang batas at gawing naaangkop ang kasal sa kahit anumang pares na kasarian.

"This is a very good sign. There should be the same standard for all genders, whether it's a civil union or marriage," giit pa ni Chumaporn "Waddao" Taengkliang, mula sa grupong Rainbow Coalition for Marriage Equality.

Mula sa apat na panakulang naipasa sa unang pagbasa, pagdedesisyunan pa ng isang komite na binubuo ng 25 miyembro kung alin sa apat ang ipadadala sa kapulungan upang isalang sa dalawa pang pagbasa bago aprubahan ng senado at ng kanilang hari.

Kilala ang bansang Thailand sa may pinakamaraming miyembro ng LGBTQIA+ sa Asya kaya't namutawi sa kanilang mukha ang ngiti nang marinig ang pagpasa ng mga nasabing panukala.

Kamakailan lamang noong Hunyo 5, ginanap sa Bangkok ang kauna-unahang “Pride Parade” matapos ang 16 na taon na pinangunahan ng mga miyembro ng komunidad suot ang mga kumikinang at naggagandahang damit na sumisimbolo sa kanilang pagkatao.

"I wish same-sex marriage law passes so that there will be laws that protect and decrease gender inequality," giit ni Maysa Petkam, kalahok ng transgender beauty pageant ng Miss Tiffany Universe na ngayon ay parang magkakatotoo na kasunod nang pagpasa ng mga panukalang same-sex union.


Iniwasto ni Niko N. Rosales