Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

PHOTO: Yoshikazu Tsuno/AFP/Getty Images

Upang mas mapabuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay, inanunsyo ng pamahalaan ng Tokyo sa Japan ang pagkakaloob ng same-sex partnership certificates sa LGBTQIA+ couples ng naturang bansa na makapagbibigay sa kanila ng pantay na mga pribelihiyo sa lipunan.

Layon rin ng mandatong ito na mapataas ang kamalayan ng pagkakaiba-iba ng kasarian sa mga residente ng Tokyo at mabawasan ang mga pasanin na kinakaharap araw-araw ng sexual minorities.

Inihayag ng Tokyo Metropolitan Government sa kanilang plano na magsisimula sila ngayong Nobyembre sa pagbibigay ng sertipikasyon upang mapagkalooban ng pantay na pribilehiyo ang same-sex couples, katulad ng akses sa paupahang bahay, pagpunta sa ospital, at iba pa.

Ipinatupad ang nasabing panukala dahil sa malawakang diskriminasyon na nararanasan ng LGBTQIA+ community sa Japan. Kaya't ayon sa kanilang pamahalaan, isang malaking hakbang ito upang mabawasan ang pangmamaliit sa mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+.

Kaugnay nito, inabisuhan naman ang lahat ng mga residente sa Tokyo na pwede silang mag-apply online simula sa kalagitnaan ng Oktubre, kung saan dapat na ang same-sex couple ay kapwa nakatira, nagtatrabaho, o nag-aaral sa nasabing syudad.  

Para kay Soyoka Yamamoto, lider ng grupong LGBTQIA+ na Partnership Act for Tokyo, ramdam niyang maaari na silang mamuhay sa lipunan bilang isang pamilya.

“I hope the system will work so that we can use it with ease," aniya.

Bagamat may mga lugar na sa Japan na nagkakaloob ng naturang sertipiko, tinatayang higit 10% ng kabuuang populasyon ng bansa na residente ng Tokyo ang mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng pagkilalang ito.


Iniwasto ni Niko N. Rosales