Pangatlong ‘independent’ bloc, posibleng buuin ng magkapatid na Cayetano sa Senado

By Lance Arevada

PHOTO: Inquirer.net / Rappler

Sa kabila ng kanilang inaabangang desisyon kung sasapi ba sila sa mayorya o minorya, iginiit ng magkapatid na sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano na bukas sila sa posibilidad na bumuo na lamang ng kanilang sariling bloc sa Senado kung saan sila raw ay magiging ‘independent’ na lang.

Sa isang press conference, inihayag ng mga Cayetano na wala pa silang napagdedesisyunan kung kaninong grupo sila sasama at nakadepende pa raw ito sa kanilang pakikipag-usap sa mga kasamang senador, kahit pa inaasahan na ang pagbubukas ng bagong Kongreso sa ika-25 ng Hulyo.

“Give us a few days… But I can tell you honestly, as of this moment, wala pa kaming decision. But we’re keeping our options open na mag-independent din. So it’s either majority, minority or mag-independent, meaning neither,” paliwanag ni Alan Peter sa isang press conference.

Giit pa ng senador, ayaw raw nilang magkapatid na sumapi sa isang mayorya na tanging ‘oo’ lang sa mga kilos ng kasalukuyang administrasyon o sa isang minorya na puro puna sa lahat ng kilos ng pangulo. Anila’y nais nilang makita kung saan sila mas magiging epektibo bilang mga nakatatandang senador batay sa kanilang karanasan.

Tinatayang nasa 20 senador ang bumubuo sa ‘supermajority’ ng Senado kapag nagsimula na ito sa susunod na linggo, kung saan si Senador Juan Miguel Zubiri ang inaasahang maging susunod na Senate President.

Samantala, tanging sina Senador Risa Hontiveros at Koko Pimentel lamang ang naghayag ng kanilang pag-anib sa minorya. Sinabi na ni Hontiveros na si Pimentel ang kanyang iboboto bilang Senate Minority Leader, na mangunguna sa pagiging ‘fiscalizer’ ng grupo sa Senado.

Kung sakaling magtayo man ng pangatlong ‘independent’ bloc, ibig sabihin raw nito ayon kay Alan Peter, na bukod ito sa kasalukuyang mayorya at minorya kung saan ituturing silang ‘independent minority’ na katulad ng mayroon sa Mababang Kapulungan.

Nauna nang hinayag ng magkapatid na Cayetano na nais nilang magkaroon ng kakayahang mag-fiscalize sa mga gawain ng administrasyon at mag-alok ng tulong kay Pangulong Marcos kung kailanganin man niya ito.

Para naman kay Pia, wala naman daw kaibahan kung saang grupo siya sasapi dahil kahit mula man sa mayorya o minorya ang kanyang kasama ay nakagagawa siya ng mga mahahalagang kontribusyon sa Senado. 

Dagdag pa niya, pag-aaralan pa raw nila sa mga susunod na araw kung saan sila magiging mas epektibo.

“We’ll see kung saan kami mas effective because I would like to continue to do my work at the highest possible level. I would like my input to continue to be able to do that with whoever, especially the younger senators who maybe are new or bagu-baguhan pa lang,” saad ni Pia.

Gayunpaman, kahit ano pang mapagdesisyunan ng magkapatid na Cayetano, nilinaw ni Alan Peter na hindi niya nakikitang maghihiwalay pa sila ng sasamahang grupo ng ate niyang si Pia lalo’t ngayon na parehas na silang nasa ikatlong termino.

“Parang we dont see the value na one of us in the majority, one is in the minority. It might be just politics kung ganoon e, so we don’t see the value,” dagdag pa ng senador.


Nitong nakaraang ika-18 na Kongreso, nagsilbing House Speaker si Alan Peter at pagkatapos ay bumuo ng bloc na tinawag na ‘BTS sa Kongreso’ kasama ng kanyang mga kaalyado noon. Naging bahagi naman si Pia sa mayorya ng Senado na pinamunuan ni dating Senate President Vicente Sotto III.


Iwinasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post