BBM, hinimok ang publiko na kumpletuhin ang bakuna, magpa-booster shot laban sa COVID-19

Ni Xhiela Mie Cruz 

PHOTO: Screengrab from Bongbong Marcos Youtube Channel

Sa kabila ng muling pagtaas ng mga kaso, hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  ang mga mamamayang Pilipino na kumpletuhin ang kanilang bakuna kabilang ang booster shots laban sa COVID-19 virus.

Ayon sa pangulo, naging malaking tulong umano ang bakuna at booster shots base sa karanasan niya noong pangalawang beses siyang tamaan ng naturang virus.

“I will take this opportunity to stress the importance of getting vaccinated and especially getting a booster shot,” sabi ni Marcos sa kanyang vlog.

“This is the second time I got COVID-19. But I think, if it weren’t for the vaccine and booster shot, my infection and condition would be worse,” paliwanag niya.

Saad pa ni Marcos, magsisilbing paghahanda na rin ang pagpapabakuna at booster shots sa nalalapit nang pagbubukas ng klase na inaasahang magiging face-to-face na sa pangkalahatan sa darating na Nobyembre.

Sa kabilang banda, ipinabatid naman nito na hindi sapilitan ang pagpapabakuna at pagpapa-booster dahil sariling desisyon aniya ito ng mga tao.

“This need not really be made into a law because we are still free to choose for our own health,” ani Marcos.

Bago nito, matatandaang inanunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang pagkakaroon ni Marcos ng COVID-19 sa ikalawang pagkakataon sa kanyang unang linggo ng pag-upo bilang pangulo.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco
Previous Post Next Post