Dating kritiko ng mga Marcos na si Harry Roque, magsisilbing private legal counsel ngayon ni BBM
Ni Nikki Coralde
Matapos matalo sa nakaraang senatorial race, inanunsyo ng abogado at dating Presidential Spokesman Harry Roque na magsisilbi siya bilang private counsel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kapalit ng halagang P20.
Photo Courtesy of Abogado/TV5 News |
"I confirm that I have been retained as private counsel of PBBM for the pricely (sic) sum of 20 pesos," ani Roque sa isang Facebook post.
Sa isang panayam, sinabi ng abogado na hindi niya maaaring ilabas ang mga detalye ukol sa kaniyang konsultasyon sa pangulo dahil sa attorney-client confidentiality.
"The attorney-client relation is only for the sole purpose of ensuring confidentiality whenever I am consulted by the President on any legal matter," paliwanag niya.
Kamakailan lamang, nagkaroon ng pagpupulong ang dalawa kasama ang mga matataas na opisyal sa Gabinete, katulad nina Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile at Solicitor General Menardo Guevarra, upang pag-usapan ang posisyon ng administrasyon sa nakabinbing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa umano'y extra-judicial killings sa bansa.
Sa ngayon, hindi pa nililinaw ng palasyo ang naging pahayag ng dating Presidential Spokesman dahil ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, 'confidential' umano ng ugnayan ng abogado at ng Pangulo.
"Well, as you know, any communication between attorney and client is privileged and, therefore, confidential. And therefore, we cannot even confirm whether or not he has been hired as counsel. That would be really up to the client to make the announcement, and no such announcement has been made yet," ani Cruz-Angeles.
Sa kabilang banda, matatandaang dating kritiko si Roque ng mga Marcos dahil sa pang-aabusong dinanas ng mga Pilipino noong Martial Law sa ilalim ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr., gayundin dahil sa pagtatangka ng pamilya na rebisahin ang kasaysayan at linisin ang kanilang pangalan.
Iwinasto ni Irene Mae Castillo