By Manuel Arthur Machete

PHOTO: INQUIRER.NET

Binarikadahan ng Black Mamba Army Lady Troopers, sa pamumuno ni Jovelyn Gonzaga, ang tangkang unang panalo ng Petro Gazz Angels makaraang magpaskil ng 3-1 bentahe (25-22, 25-16, 21-25, 25-23) upang makabalikwas sa huling pwesto ng 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa Filoil Flying V Centre, Huwebes.

Kumahig si “Bionic Ilongga” ng 23 points mula sa 22 attacks at isang dig habang sumegunda naman si crowd-bet Michelle Morente ng 13 markers mula sa 12 attacks upang ikopo ang kanilang unang panalo sa nasabing komperensya.

Naging matikas ang simula ng unang set matapos maisampa ni Jo Sabete ang dalawang sunod na spike mula sa set ni Myla Pablo, daan upang itala ang 4-1 iskor.

Nagsimula nang magparamdam ang Black Mamba sa kalagitnaan ng unang set, 16-14 panig sa Army, nang magsalansan ng dalawang spike si Morente na nagresulta sa reception errors ng Petro Gazz.

Kinandado ni Gonzaga ang first set sa iskor na 25-22 makaraang magpakawala ng back-to-back cross-court spike upang ikarga ang 1-0 kartada, panig pa rin sa Army.

Pagdako sa ikalawang set, tumikada ang Army, sa pamumuno pa rin ng tubong Guimaras, matapos muling magapi ang Petro Gazz, 2-0, bunsod ng dominanteng 25-16 bentahe.

Umariba naman sa ikatlong set si Petro Gazz opposite spiker Aiza Pontillas matapos pangunahan ang koponan sa unang kalamangan, 14-12, bunsod ng three digs at isang block.

Hinablot na rin ng Petro Gazz ang third set, 1-2, nang magmaneobra si Myla Pablo ng dalawang sunod na cross-court spike upang maisukbit ang 25-21 pagbirada.

Muling naging masidhi ang simula ng ikaapat na set nang magtabla ang dwelo sa 11-11 iskor matapos ang tatlong spike-kill at isang dig ni Gonzaga. Muli namang nabawi ng Army ang kalamangan salamat sa tirada ng scoring leader, 14-12.

Dala ng nasabing pag-ariba, tinuldukan na ng Black Mamba ang dwelo sa iskor na 25-23 matapos ang cross-court attack ni Gonzaga. Ito na ang unang panalo ng koponan ngayong PVL.

“We really prepared for this because we came off a tough loss. I told them we have nothing to lose so just give our best and apply our training and scouting in the past three days,” bulalas ni Army assistant coach Rico De Guzman sa isang panayam pagkatapos ng dwelo.

Sa kabilang dako, naghapag si Pontillas ng 20 points at two blocks habang nagsumite naman si Pablo ng 16 markers mula sa 12 attacks, tatlong blocks, at ace.


Iniwasto ni Diana Mae Salonoy