'I WANT TO BE THE 25TH': EJ Obiena target ang 6 meters, maging ika-25 lalagpas sa marka

Ni Bryan Roy Raagas

Binabalak ngayon ni World No. 6 at Pinoy vaulter Ernest John Obiena na alpasan ang 6.00m-mark bilang dagdag sa kanyang koleksyon ng mga parangal para sa makulay niyang taon.

Photo Courtesy of EJ Obiena (Facebook)

Ito ang kaniyang idiniin sa isang press conference nitong Martes, matapos basagin ang Asian record 5.94m at siluin ang tansong medalya sa World Athletics Championships sa Oregon, USA.

"There’s only 24 people who have done that in history. I wanna be the 25th," hamon ni Obiena sa sarili matapos bigong lundagan ang 6-meter bar ng kompetisyon.

Wala pang ni-isang Asyano ang nakaalpas sa 6-meter-mark ng pole vault mula nang itatag ang World Athletics Championships noong 1976.

Dagdag naman ni Obiena, nais niyang lampasan ang markang ito sa loob ng mismong season na ito.

"Those are one of the things I want to improve on and be able to learn. Hopefully, I won't make those mistakes that I did in 6 meters," ani Obiena.

Sa kabila ng bagong Asian record sa Worlds, matatandaang hindi man lang nakaangat sa lupa ang pole vaulter sa tatlong attempt nito sa 6-meters bar.

Ngunit kung pagbabasehan ang nasabing torneo, aniya’y kaya pa niyang gumawa ng mas maganda kumpara sa kanyang itinala.

"I think the analysis of the vault in the '94 in the world championships has shown that I definitely soared over 6 meters," banggit ni Obiena.

Samantala, hindi umano inakala ng Pinoy vaulter na mabubura niya ang Asian record dala ng kanyang karanasan sa nakaraang buwan gaya ng COVID 19 at aberya sa US border controls noong Hulyo 7.

"We’re very thankful for what EJ has done for the Philippines, to the people who had helped him, and of course, to the God above who made the light at the end of the tunnel," wika ng mga magulang ni EJ sa kanya.

Inaasahan ang muling pagsabak ni Obiena sa dalawa pang susunod na laban, kabilang ang Diamond League na gaganapin dalawang linggo mula ngayon sa Warsaw, Poland.

Makakatuos niya rito si World No. 1 Mondo Duplantis na naging kampeon sa mismong torneo at bumasag din ng world record sa talang 6.21m.


Iniwasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post