'JUST SEND ME THE BILL': Pakulong programa ni Sen. Robin, layong palalimin ang kanyang panukala para sa masa
Ni John Emmanuell P. Ramirez
PHOTO: Senate PRIB/Released |
Ihahatid ngayon ni Senador Robin Padilla sa masa ang pagsasalin ng kanyang mga prayoridad na panukala at gaganaping talakayan sa Senado sa wikang Tagalog, upang mas makakonekta sa mas maraming Pilipino sa pamamagitan ng mga live panel program kasama ang beteranong brodkaster at kaibigang abogado.
Sa isang live test broadcast katuwang ang kaibigang journalist na si Rey Langit at ang kanyang kasangga na si Attorney Rudolf Philip Jurado bilang co-hosts, nilinaw ni Padilla na mas palalawigin niya ang mga detalye sa naunang sampung panukala sa binubuo nilang programa na tatawaging “Just Send Me The Bill.”
“Ang mahalaga: 'yung mga boses ng taumbayan. 'Yang pong mga panukala na iyan, 'yan ang mga boses nila,” diin ng baguhang senador.
Kabilang sa naturang 10 panukala ni Sen. Padilla ang Divorce Act of the Philippines, Mandatory ROTC Act, Equality and Non-Discrimination Act, at ang isang proposal patungkol sa pantay na paggamit ng Filipino at Ingles sa lahat ng mga dokumento ng gobyerno.
Kabilang din sa mga naturang inihaing batas ang Suspension of Excise Tax on Fuel, Medical Cannabis Compassionate Access Act, Magna Carta of Barangay Health Workers, Civil Service Eligibility para sa mga casual at contractual government employee na may limang taong serbisyo, at Regionalization of Bilibid Prisons.
"Simula pa lamang po ito. Tututukan, aaralin at isusulong natin ang mga adbokasiya na tutugon sa samu’t saring isyu na malapit sa ating bituka—kasama rito ang mataas na presyo ng petrolyo, mga problema sa agrikultura at food security, at talamak na diskriminasyon," ani Padilla.
Pag-usapan—Filipino sa Pilipino
Nabanggit rin ni Padilla na palaging ginagawang Ingles ang mga panukala sa Senado, kaya nais niyang isalin muna sa Tagalog ang mga naturang batas at pag-usapan nang “section-by-section” kasama ang mga mamamayan.
“Bago po iyan pag-usapan sa senado, naiintindihan na po ng ating mga taumbayan kung ano yung mga panukala na iyon, para puwede po nilang bantayan kung ano yung nangyari, kung ito po ba ay makakausad o ito po ba ay matutulugan,“ paliwanag ng senador.
Matatandaang isa na ring hiling ng senador ang makapagdebate sa Filipino sa mga plenaryo ng Senado, na akma sa kanyang prinsipyong pagka-nasyonalista at pagiging “makamasa”.
“Pag-usapan pa natin, dito pa lang! Para pagdating sa senado, yung mga concern po ninyo, yung mga gusto nating pag-usapan, ay mapag-usapan natin yan sa Senado,” giit niya.
Inaasahan din ni Padilla na sa kabila ng kanyang limang milyong followers, mas mapapakalat pa lalo ang mga impormasyong ipararating niya mula sa mga plenaryo upang mas maging “transparent” ang Senado sa mga batas na hinahain at tinatalakay.
'Talakayin din ang taripa'
Naniniwala si Padilla na pawang mga importer lamang at mga smuggler ang nakinabang sa Rice Tariffication Law, na nagkaroon din ng malaking epekto sa pagka-produktibo ng mga magsasaka.
“Kahit saan, tutubo yung gusto nating itanim dito eh. Ganon kataba lupa natin, masakit isipin na nag-aangkat tayo ng bigas,” banat ni Padilla, pagkaraa’y idiniin pa na “agricultural country” ang Pilipinas mula pa noon at marapat na panatilihin hanggang ngayon.
Ang pagkadismaya niya rito sa pagpabor sa malawakang angkatan ng mga produkto ang nagtulak sa kanya upang ipanukala rin ang amyenda sa naturang batas.
Tinanggal ng Republic Act No. 11203 ang quantitative restrictions sa rice imports upang paboran ang isang tariff system, kung saan binuwisan ng 35 porsyentong taripa ang mga importer, upang mapondohan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund ng 10 bilyong piso kada taon.
Ang naturang pondo naman ang inaasahang magtataas ng productivity ng mga magsasaka, kasabay ng pagbaba ng presyo ng mga produkto sa merkado. Samantala, ang sobrang taripang makukuha sa mga import ay gagamiting financial assistance para sa mga may maliliit na lupang pinagsasakahan.
Bagamat nakapag-disburse ang gobyerno ng 8.2 bilyong piso bilang cash aid sa mga magsasaka, kung saan mahigit isang milyong indibidwal ang nakatanggap ng tigli-limang libong piso, ilang grupo ang nagsasabing naging pasakit lamang ito para sektor ng agrikultura.
Ilan sa mga nabanggit na negatibong epekto ay ang pagbagsak ng kita ng mga magsasaka, at ang pagtaas ng puhunan sa produksyon—bagay namang ikinabahala ng mahigit 60 porsyento ng mga Pilipino sa isang sarbey ng PUBLiCUS.
Naniniwala rin si Sen. Robin na isa sa pinakamagandang desisyon ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang umupo bilang kalihim ng Department of Agriculture at bantayan ang krisis sa agrikultura at food security, dahil “patungkol po yan sa pagkain.”
“Ang isang bansa pagka gutom ang mga tao, ibig sabihin po nun mahinang bansa iyon, dahil sino ba namang gutom na makakapag-isip ng tama,” dagdag ni Padilla.