Libreng sakay sa EDSA Carousel, pinalawig; libreng train rides para sa mga estudyante, aprubado ni BBM

Ni Cherry S. Babia

PHOTO: Jess M. Escaros Jr./Philippine News Agency

Upang maibsan ang bigat ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin at ng gasolina, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. ang memorandum na naglalayong magbibigay ng libreng sakay sa tren para sa mga estudyante at pagpapalawig ng libreng EDSA Carousel bus rides nitong Biyernes.

Ayon sa memorandum na inilabas ng Department of Transportation (DOTr), nakalaan ang libreng sakay para sa mga estudyante na naapektuhan ang kanilang pag-aaral dahil sa pandemya at para na rin makatulong sa mga mamamayan sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. 

“Considering the availability of budget for Service Contracting under GA 2022, the undersigned recommends the continuation of the Libreng Sakay Program for all passengers of the EDSA Bus Carousel,” saad ng DOTr base sa isang bahagi na isinaad sa memo.

Ang mga libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ay pinalawig hanggang Disyembre 2022. Samantala, magsisimula ang libreng train rides ng mga estudyante mula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022, kung kailan inaasahang magbabalik ang face-to-face classes. 

Ang nakasaad na libreng pamasahe ng mga estudyante sa tren ay para lamang sa mga sasakay sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT 3), Light Rail Transit Line 2 (LRT 2), at Philippine National Railways (PNR).

Samantala, naunang sinabi ni Bise Presidente at Education Secretary Sara Duterte na plano nitong ibalik ang full face-to-face classes ngayong Agosto.


Iniwasto ni Kim Arnie Gesmundo
Previous Post Next Post