By Jan Paolo S. Pasco

PHOTO: INQUIRER.NET

Nadiskaril muli ang tangkang pamamayani ni Filipino boxer Donnie "Ahas" Nietes kontra kay Kazuto Ioka matapos ipalasap ng Japanese pride ang mapait na paghihiganti sa kanilang ikalawang paghaharap via unanimous decision, sapat para madepensahan ang kanyang WBO super flyweight belt sa Ota-City Gymnasium sa Tokyo, Japan, Miyerkules.

Matatandaang nanaig si Nietes kay Ioka sa kanilang unang duwelo noong 2018 New Year's Eve sa Macau, ngunit sa muling pagtutuos, hindi na hinayaan ng matinding karibal na manaig ang Pinoy at sinelyuhan ang panalo sa iskor na 120-108, 118-110 at 117-111.

Ito ang unang pagkatalo ng former four-division world champion sa loob ng mahigit 18 taon mula pa nang padapain siya ni Angky Angkotta ng Indonesia via split decision noong Setyembre 2004.

Ito rin ang maituturing na ikalawang pagtapak ni Nietes sa professional boxing ring matapos ang humigit-kumulang tatlong taong pahinga sa bakbakan buhat pa noong kanyang huling laban kay Ioka noong 2018.

Maaalalang nagtapos sa isang kontrobersyal na split draw ang unang laban ng pambato ng Negros Occidental kontra kay Norbelto Jimenez ng Dominican Republic sa kanyang muling pagbabalik noong Disyembre 2021.

Tangan ngayon ng 40-anyos na si Nietes ang 43-2-6 win-loss-draw record habang napanatiling muli ng tubong Sakai, Osaka ang kanyang titulo sa ikalimang pagkakataon bitbit ang 29-2 kartada, kalakip ang 15 KOs.

Kontrolado ni Nietes ang unang tatlong round ng bakbakan nang magpakawala ng mga agresibo at malilinis na suntok gamit ang sapat na distansya at pulidong depensa upang agarang diktahan ang tempo sa muli nilang paghaharap.

Ngunit sa pag-usad ng mga round, nagawang basagin ni Ioka ang estilo ng Pinoy sa pamamagitan ng pagbibitiw ng matitinding jabs at combinations na naglagay kay Nietes sa alanganin.

Tinangkang pigilan ng Filipino bet ang mabibigat na straight combos na pinakawalan ng Hapon sa pagpatak ng ninth round matapos maghain ng mga suntok sa mukha at katawan ng kalaban. Subalit agad bumawi si Ioka nang maghatid ng solidong atake sa mukha ni Nietes, dahilan upang magdulot ng cut sa itaas na bahagi ng kanyang kaliwang mata sa round 10.

Pinilit pang makabalik ni Nietes sa wastong tikas ng nalalabing rounds nang magpamalas siya ng sunod-sunod na jabs at counter punches ngunit hindi ito naging sapat upang matibag si Ioka.

Sa kabilang banda, nananatiling mailap ang panalo sa mga Pilipinong boksingero matapos ang mapapait na pagkatalo nina Mark Magsayo (WBC featherweight), Nonito Donaire (WBC bantamweight), Jerwin Ancajas (IBF super flyweight), Rene Mark Cuarto (IBF minimum), at Johnriel Casimero (WBO bantamweight).


Iniwasto ni Irene Mae D. Castillo