‘THIS IS A SOVEREIGNTY ISSUE’: Katayuan ng PH sa isyu ng Sabah, pinalilinaw ni ex-spox Roque kay Marcos
By Basti M. Vertudez
Photo Courtesy of Philippine News Agency / Rappler |
“I advise our President to clarify whether the country would actively pursue this claim or allow the Sultanate heirs to deal with the Malaysian government in private.”
Ito ang payo ni dating presidential spokesperson at international law expert Harry Roque kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagpapatibay ng posisyon ng administrasyon sa isyu ng alitan sa teritoryo ng Sabah laban sa Malaysia.
Sa isang panayam ng One News nitong Hulyo 20, iginiit ni Roque na hindi isinuko ng Pilipinas ang pag-aangkin nito sa teritoryo, kung kaya’t hinihimok nito ang pangulo na tumindig kung itutuloy ba ang laban para sa karapatan nito sa Sabah o ipauubaya na lamang ito sa kamay ng mga tagapagmana ng Sultanato ng Sulu bilang ‘proprietary claim.'
Kumpiyansa ang naturang international law expert na pag-aari ng bansa ang Sabah dahil aniya’y kamakailan lang nitong taon ay pinanigan ng isang French arbitral ruling ang naturang Sultanato, dahilan upang magkaroon din ng soberanya ang Pilipinas sa nasabing lupain.
Sa katunayan, idinagdag niyang pinagtibay pa lalo ng naturang pasya sa korte ang karapatan ng bansa sa Sabah na kasalukuyang isa sa mga estado ng Malaysia.
“We consider the victory of the Sultanate descendants as a victory for the nation. According to the arbitral court, the Sultanate of Sulu is the owner of Sabah. Thus, we can say that Sabah is part of Philippine territory,” mariing paninindigan ng dating presidential spokesperson.
Nitong Pebrero lamang, bilang resulta ng hatol ng nasabing French arbitration court, inutusan ang pamahalaan ng Malaysia na magbayad ng $14.9 billion bilang proprietary rights sa tagapagmana ng huling sultan ng Sulu.
Kaugnay nito, iginiit naman sa isang panayam nitong Hulyo 18 ni Princess Jacel Kiram, anak ng dating sultan ng Sulu, na marapat na kilalanin ng Malaysia ang pasya ng korte pagdating sa isyu ng nasabing teritoryo.
“We are just talking about proprietary… so we own a property, but Malaysia's claiming it's their property, so ito na, in-allow na ng court that it's here, and Malaysians need to pay $14.9 billion for a property we never benefited from instead they benefited from,” pahayag ni Kiram hinggil sa isyu.
Sakaling hindi tumupad ang Malaysia sa arbitration ruling, sinabi ng prinsesa ng Sulu na kukumpiskahin nila ang mga ari-arian ng pamahalaan ng Malaysia bilang kapalit ng bilyones na kabayaran na itinakda ng korte.
Ayon sa pagsasaliksik, kilala noon ang Sabah bilang North Borneo na ibinigay ng dating sultan ng Brunei sa dating sultan ng Sulu noong 1704 bilang handog-pasasalamat.
Bilang may-ari ng Sabah na nakaayon sa 1939 British High Court’s Macaskie decision, pinagkalooban din ng soberanya ng Sultanato ng Sulu ang Pilipinas noong 1962, dahilan upang maging basehan ito ng pag-angkin ng bansa sa Sabah sa pamumuno ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Matatandaang isa sa mga naging ugat ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa ay ang nahintong pagbabayad ng Malaysia noong 2013 ng $1,264 cession money bilang taunang kabayaran sa Sultanato ng Sulu.
Bunsod nito, itinuring ng korte na lumabag ang Malaysia sa kasunduan noong 1878 nina Sultan Jamal Al Alam, Baron de Overbeck, at British North Borneo Company founder Alfred Dent.
Iniwasto ni Lorraine Angel Indaya