Batayan ng US CDC sa risk classification, naiiba sa Pilipinas; COVID-19 cases 'manageable' pa - DOH

Ni Zamantha Pacariem

Bumwelta si Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay “manageable” pa rin at sadyang iba lamang ang sukatan ng United States Centers for Disease Control and Prevention (US CDC), matapos ideklara ng internasyonal na ahensiya na high travel risk ang Pilipinas. 

Photo Courtesy by DOH / Business Mirror / Business World

“Yun pong indicators or ‘yung metrics na ginagamit ng CDC for them to classify a country as high risk or low risk or moderate risk is different from the metrics we use in our country,” ani Vergeire nitong Martes, Agosto 16.

Dagdag pa niya, sa halip na ang dami ng kaso ng COVID-19 ang gagawing basehan, ginagamit ng bansa ang preservation ng healthcare system nito.

“Sa CDC ang ginagamit po nila incidence rate triangulated with the testing data, dito sa ating bansa we know na ito pong number of cases ay hindi po natin binibigyan ng equal weight with our healthcare utilization,” pahayag nito. 

Sinigurado naman ni Vergeire na mababa pa ang kasalukuyang dami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at “nappreserve” pa rin ang healthcare capacity ng bansa.

“Sa Pilipinas ang ating severe and critical infections remain to be at that low number less than 1,000 at atin pong mga naa-admit manageable at nappreserve pa rin natin ang ating healthcare capacity,” paninigurado nito.

Idinedeklara ng US CDC ang isang bansa bilang “high risk” o nasa Level 3 classification kung ito ay nakatatala ng 100 kaso ng COVID-19 sa kada 100,000 tao sa loob ng 28 araw. Kaugnay nito, hindi inirerekomenda ang pagpunta sa mga bansang ito kung hindi kumpleto sa bakuna. 

Sa kasalukuyan, nasa 3,835,422 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa, 38,982 ang sumasailalim pa sa gamutan, 3,735,362 ang gumaling na, habang 61,078 naman ang pumanaw na. 


Iniwasto ni Audrei Jeremy Mendador 
Previous Post Next Post