Bulatlat website, muli nang nabubuksan matapos i-block ng NTC
Ni Nikki Coralde
Matapos ang ilang linggong pagharang ng National Telecommunications Commission (NTC) sa website nito, inanunsyo ng Bulatlat na maaari na muling ma-access ang kanilang website sa isang pahayag na inilabas nitong Biyernes, Agosto 26.
Photo Courtesy of Bulatlat/Politiko |
Ito ay nangyari isang araw matapos dumulog ang Bulatlat sa Quezon City Regional Trial Court Branch 306 para maghain ng indirect contempt laban sa NTC dahil umano sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng memorandum para harangan ang access sa website ng nasabing news outlet.
“This is an initial victory for press freedom and the people’s right to access credible sources of information. The unblocking is an affirmation that in fighting back, we can regain our hard won rights,” pahayag ng Bulatlat.
Matatandaang inutusan na ng Quezon City Regional Trial Court Branch 306 ang NTC na itigil ang pagpapatupad ng memorandum na naglalayong pigilan ang access sa website ng mahigit 20 na news outlets kabilang na ang Bulatlat.
Dagdag pa rito, naghain din ng writ of preliminary injunction ang nasabing korte noong Agosto 11 na hindi pinansin ng NTC at patuloy pa ring ipinatupad ang naturang memorandum.
“Despite due service of the writ, the respondent defied and continued to defy, the Writ of Preliminary Injunction, wherein it was enjoined to discontinue the implementation of its Memorandum dated June 8, 2022,” pahayag ng Bulatlat sa korte.
“The website of plaintiff, Bulatlat.com, continues to be blocked and inaccessible to its subscribers using Globe, Converge, PLDT and Smart internet providers,” dagdag pa nila.
Matagal nang biktima ng red-tagging ang Bulatlat.com at iba pang mga progresibong organisasyon dahil sa pagiging parte o pagsuporta umano ng mga ito sa mga terorista at makakaliwang grupo.
Iwinasto ni Audrei Jeremy Mendador