DepEd, nanawagan ng donasyon kasunod ng pagtaas sa presyo ng school supplies
Ni Nikki Coralde
Kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa, nakiusap ang Department of Education (DepEd) sa mga pribadong sektor na maglaan ng donasyon gaya ng school supplies sa kasagsagan ng Brigada Eskwela sa mga paaralan.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na umaasa siyang matulungan ng mga pribadong sektor at volunteers ang mga mag-aaral sa papalapit na pagbubukas ng klase sa Agosto 22.
Dagdag pa niya, gawin sanang daan ang Brigada Eskwela para mabigyan ng mga gamit ang mga mag-aaral na walang kapasidad na bumili ng learning materials.
"We are hoping [that] with the Brigada Eskwela, matulungan tayo ng private sector organizations or donors or volunteers para makapagbigay ng kits, lalong-lalo na sa learners natin na wala talagang perang pambili ng school supplies," ani Poa.
Layunin ng Brigada Eskwela na maihanda ang mga paaralan para sa pagbubukas ng klase, at magtatagal ito hanggang Agosto 26.
Sa kabila nito, nauna nang sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual na tinitingnan na ng Department of Trade and Industry ang 'suggested retail price' ng mga school supplies dahil kulang umano ito sa detalye.
"Pinapa-review ko ang clauses, kasi nakita ko ang suggested retail price, very wide ang range. Palagay mo ito ’yung low price for a certain product. Tapos ’yung nasa high sometimes more than double sa low. Pero hindi ine-explain na ’yung difference is not because of different seller, but different quality," paliwanag niya.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo