By Basti M. Vertudez

Sa kabila ng pinaigting na vaccination program sa bansa, hindi pa naaabot ng Department of Health (DOH) ang daily target nitong mabakunahan ang halos 400,000 na mga Pilipino kontra COVID-19 sa unang sandaang araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Photo Courtesy of Philippine News Agency

Inamin ni Metro Manila Center for Health Development Director Gloria Balboa nitong Agosto 4, na mababa pa ang tinatayang 45,598 na daily average ng naiturok na bakuna simula nang ilunsad ang programang ‘PinasLakas’ na layong bigyan ng booster shots ang hindi bababa sa 23 milyong katao sa bansa hanggang Oktubre 8.

Gayunpaman, idinagdag niyang umaasa ang DOH na mapataas pa ang bilang na ito sa pamamagitan ng tinuran niyang pagpapalawig pa umano ng mga hakbang ng kagawaran upang sikaping mabakunahan ang 50 porsyento ng populasyon na pinapayagang makatanggap ng boosters.

“We know this is still low, that’s why we are intensifying our efforts and that’s why we are going around [the country]. Hopefully, because it’s 100 days, we have until Oct. 8 to achieve that [target],” paniniguro ni Balboa hinggil sa proyektong PinasLakas na umarangkada nitong Hulyo 26.

Ayon sa datos ng DOH, sa unang walong araw ng pangmalawakang bakunahan ay 364,784 katao pa lamang ang naitalang naturukan mula Hulyo 26 hanggang Agosto 2.

Malayo pa ito sa numerong nais makamit ng kagawaran, kabilang na ang layunin nitong palawigin ang pagbibigay ng karampatang proteksyon laban sa COVID-19 sa tinatayang 90 porsyento ng populasyong kinabibilangan ng mga matatanda.

Kaugnay nito, inilahad ni Balboa na layon din ng pamahalaan na bakunahan ng unang booster shots ang 658,112 katao kada araw sa Metro Manila na sa kasalukuyan ay nagtataglay ng pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Isa ang paglulunsad ng PinasLakas sa mga nakikitang solusyon ng DOH upang maisakatuparan ang kanilang layunin sa pamamagitan ng pagdadala ng bakunahan sa mga lugar tulad ng eskwelahan, simbahan, pamilihan, transport terminals, at iba pa.

Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni Epidemiology Bureau Director Alethea de Guzman na hindi na muling magkakaroon pa ng mga paghihigpit o lockdowns sa kabila ng muling pagsipa ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

“The way that we can be confident that we don’t need to do lockdowns is really by pushing our coverages up… It’s time we achieve [vaccination targets] for boosters,” ani De Guzman sa parehong PinasLakas event.

Matatandaang ipinangako ni Pangulong Marcos sa kauna-unahan nitong State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 25 na hindi na magkakaroon pang muli ng lockdowns kahit pa nagbabadya na naman ang pagtaas ng kaso sa bansa.

“We will not implement another lockdown. We have to balance our health and the welfare of our citizens at one end and the economy on the other,” paggarantiya ng pangulo sa publiko.


Iniwasto ni Lorraine Angel V. Indaya