Ni Patrick Pasta

Inakay ni Breanna Stewart ang pamamayagpag ng United States kontra Belgium, 87-72, sa panimula ng kanilang title-defense sa 2022 FIBA Women's Basketball World Cup na ginanap sa Sydney, Australia nitong Huwebes.

Photo Courtesy of FIBA Basketball

Tangan ang titulo bilang three-time defending champions, nagtarak ng matibay na simula ng kanilang kampanya ang USA salamat kay Stewart at sa matikas nitong 22 puntos.

Lumikom rin ang Seattle Storm mainstay ng apat na rebounds, tatlong assists, at tatlong steals upang akayin ang koponan tungkol sa 1-0 win-loss record. 

Umagapay naman sa kanya si Alyssa Thomas matapos magrehistro ng 14 puntos mula sa pitong rebounds, siyam na assists, dalawang steals, at dalawang free throw habang 14 puntos din ang iniambag ni Jewell Loyd.

Ginulantang ng defending champions ang Belgium matapos agarang ipamalas ang kanilang dominasyon at angkinin ang 12-0 lead, mahigit dalawang minuto pa lamang ang natapyas sa laro.

Kumabig naman pabalik ng 13-2 run ang Belgium sa pangunguna nina Kyara Linskens, Julie Vanloo, at Julie Allemand upang mapaliit sa isang puntos ang bentahe ng katunggaling koponan, 14-13.

Solidong opensa ang ipinakita ng USA sa pangunguna pa rin ni Stewart habang nakaresbak sina Thomas, Loyd, at Kahleah Copper dahilan upang magkaroon ng unwanted errors at fouls ang kabilang koponan na humantong sa 32-22 iskor ng unang yugto.

Nabuksan sa turnover at bad pass ni Becky Massey ng Belgium ang ikalawang yugto habang nagkaroon din naman ng sarili nilang shooting errors ang USA na nagdulot ng mabagal na pag-usad ng iskor hanggang sa kalagitnaan ng second quarter, 38-28.

Sinubukan pang rumesbak ng Belgium sa huling quarter matapos umalagwa nina Linskens, Allemand, at Maxuella Lisowa Mbaka subalit bunsod ng mga defense at shooting errors ay napanatili ng USA ang kanilang bentahe, 87-68.

Nakahirit pa ng dalawang freethrow at isang layup si Vanloo ng Belgium subalit hindi ito sapat upang habulin ang USA dahilan para tuluyang matuldukan ang tunggalian, 87-72.

Binitbit ni Vanloo ang Belgium matapos pumukol ng 13 puntos na sinundan ni Allemand na may 10 puntos habang nakaalalay sina Mbaka at Linskens na naglista ng tig-siyam na puntos.

Nakatakda na bukas, Setyembre 23, ang kasunod na laban ng defending champions kung saan makakaharap nila ang Puerto Rico.


Iniwasto ni Bryan Roy Raagas