Ni Xhiela Mie Cruz

Pinangunahan ni Senator Grace Poe ang pagpapatuloy ng implementasyon ng programang “Libreng Sakay” sa 2023 bilang napasama ito sa badyet para sa susunod na taon ayon kay Senator Sonny Angara.

Photo Courtesy of  GMA News/AFP

Sa isang panayam sa Super Radyo DZBB, ipinahayag ni Angara ang kanyang mga komento matapos tanungin ang mga saloobin nito partikular sa naturang isyu.

“Alam ko tuloy ho ‘yun. Nasa budget ho ‘yung para sa Libreng Sakay. Dinagdagan din po nila… Ang head ho niyan sina Senator Grace Poe,” saad nito.

“Talagang nakatutok siya diyan sa ayuda, sa mga tsuper, sa mga operator ng PUV, tricycle, lahat ‘yan may mga tulong— ‘yung vouchers, fuel vouchers, ‘yung Libreng Sakay. ‘Yan ang ilang programa na talagang natutulungan ay pangkaraniwang mamamayan," sabi pa ni Angara.

Sa kabilang banda, humiling ng may kabuuang halaga na 12 bilyong piso ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatuloy ng implementasyon ng Libreng Sakay para sa taong 2023.

Ani DOTr Assistant Secretary Mark Steven Pastor, makakaasa umano ang mga commuters na mararanasan pa rin nila ang libreng sakay dahil ipagpapatuloy ito ng DOTr upang marami pang matulungan na mga kakabayang Pinoy.

Kaugnay nito, matatandaang inilunsad ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang proyektong Libreng Sakay noong 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o Bayanihan to Recover as One Act.

Dagdag pa rito, one-time payout at lingguhang bayad ang paraan ng pagpapasahod sa mga drayber at operator ng public utility vehicle (PUV) sa kanilang pakikiisa sa Libreng Sakay Program.

Samantala, sasailalim na sa 24/7 ang operasyon ng Libreng Sakay dahil sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong darating na pasko at mas pinalawig na oras ng mga mall sa Metro Manila.


Iniwasto ni Phylline Cristel Calubayan