Mala-Venus na 'peys' ay kapalit ng buhay mo, susugal ka ba?
By Elaizarose Golfo
Sa kalagitnaan ng pandemya, umusbong pa rin ang paggamit ng skincare cosmetics upang mapaganda ang postura ng ating mga sarili kahit matabunan man ito ng kasuotan. Nagsulputan ang iba’t ibang produkto ng nasabing cosmetics, lalo na sa mga online sites kagaya ng Shopee at Lazada. Sabihin nating epektibo nga ang mga ito, ngunit alam mo ba na isa itong banta sa iyong kalusugan?
Karamihan sa mga pampagandang produkto ay nilalagyan ng substansyang “mercury” na ginagamit bilang preserbatibo at skin lightener. Ang murang sangkap na ito ay ang sinasabing tutupad ng pangakong babata ang itsura ng sinumang gagamit ng mga produkto.
Salungat dito, ang "mercury" ay itinuturing isang lason sa ating kalusugan. Hindi na siguro makabagong salita ang “mercury” sapagkat sumikat na rin ito noong ginagamit pa sa ating thermometer.
Kung hindi naman ito ligtas, bakit pinapayagan pa na ilagay sa produkto? May itinakdang limitasyon ang Food and Drugs Administration (FDA) na isang parts per million (ppm) ang hangganan ng bawat produkto para mapanatili ang kaligtasan sa pagitan ng bawat isa.
Salungat sa regulasyong ito, ayon sa EcoWaste Coalition, isang environmental group, nakakapasok pa rin ang mataas na content ng mercury mula sa produkto ng Thailand dito sa Pilipinas.
Dagdag pa nila, umabot sa higit 44,540 ppm ang nairekord nilang concentration ng mercury sa skincare product ng Thailand kung ikukumpara sa legal na dapat lang nitong taglayin na isang ppm.
Naitala ng grupo na mahigit walong Thai skincare cosmetics ang ipinapakalat online sa tulong ng X-Ray Fluorescence na ginagamit para malaman ang bilang ng concentration sa isang partikular na substansya ng produkto.
“Lady Gold Seaweed Gluta/Super Gluta Brightening with 44,540 ppm (beige cream), five variants of Dr. Yanhee Facial Creams with 19,200 ppm (purple cream), 19,000 ppm (green cream), 11,830 ppm (pink cream), 9,460 ppm (purple cream) and 8,600 ppm (burnt orange cream)”, saad ng Eco Waste Coalition sa isang report.
Kasama rin ang White Nano na may 15,900 ppm (yellow cream), at Meyyong Seaweeds Super Whitening na meron namang 3,784 ppm (green cream), dagdag ng naturang grupo.
Wika naman ng World Health Organization (WHO), ang mataas na concentration ng mercury ay maaaring magdulot ng pagkasira ng atay, pangangati, pag-iiba ng kulay at pagbaba ng resistensya ng balat.
Hindi lang daw pisikal ang epekto nito sapagkat natatamaan din ang ating mentalidad sa proseso. Maaari tayong makaranas ng pagkabalisa, depresyon, psychosis at peripheral neuropathy o ang pagkasira ng mga ugat sa spinal cord o labas ng ating utak.
“As member states of the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) and as parties to the Minamata Convention on Mercury, we urge both the Philippines and Thailand to take urgent measures to stop the manufacture, import or export of cosmetics containing mercury,” pahayag ni EcoWaste Coalition National Coordination Aileen A. Lucero.