Touch me Not: Which MCAI Character Suits You Best?

By: Reyza Ferranco and Rinoa dela Cruz

“No, no Espanyol. Ah, Despacito!”

Isa lamang ito sa iconic lines ng karakter na si Klay sa patok na teleseryeng “Maria Clara at Ibarra” na siyang umani ng samu’t saring papuri sa mga manonood. Mula sa makulay na paglalathala ng kasaysayan, hanggang sa pagbibigay ng napapanahong twist, tiyak na nagustuhan ito ng mga bata at matatanda. Kaya ikaw, kadalasan ba ay pumapasok sa isip mo ang katanungang, "Paano kung nasa loob din ako ng mundo ng Noli ni Rizal?" P’wes, huwag kang mag-alala dahil narito kami upang sagutin ang katanungang iyan.

Photo Courtesy of GMA

Pumasok sa mundo nina Maria Clara at Ibarra, at alamin kung sinong karakter ang pinakamalapit sa iyo!

Klay

Ikaw ay proud Gen-Z! Alam mo rin ang iba’t ibang slangs o kaya ay conyo ka rin magsalita. Siguro ay nabanggit mo na ang mga katagang, “Ayaw ko na sa Pilipinas/sa bansang ‘to,” o kaya naman ay plano mo na umalis sa bansa kapag ika’y nakapagtapos na ng kolehiyo. 

Ikaw ay makuwela, masipag, at higit sa lahat, mapagmahal sa pamilya at sa kapwa. Handa ka ring ipaglaban ang karapatan ng mga tao, lalo na ng mga kababaihan. Katulad ni Klay, sana ay matutuhan mo ring pahalagahan ang kasaysayan ng bansa.

Maria Clara

Kung sa orihinal na aklat, isang konserbatibo at tila mahiyain si Maria Clara, siya naman ay ginampanan bilang isang mahinhin ngunit matapang at independent na dalaga sa modernong serye. Kung nakikita mo ang kaniyang ugali sa iyong sarili, si Maria Clara ang pinakamalapit sa iyo. Bonus na rin kung ikaw ay mayroong isang Crisostomo Ibarra na iniibig! 

Dalagang pilipina ‘yarn?

Crisostomo Ibarra

Ang sinaunang green flag. Likas na sa iyong karakter ang pagiging maalaga at matapat sa mga taong minamahal. Sa sobrang caring mo, kadalasa’y ikaw na ang nagliligpit tuwing may inuman o get-together ang grupo ninyo. May pagkakataon ding sinasabihan kang “May pagka-father figure ka.” Isa ka ring taong mapagmahal sa pamilya at hindi hinahayaang abusaduhin ang mga ito. 

Bukod sa pagiging isang tapat na nobyo, isa ka ring matalinong indibidwal kung kaya’t maraming tao ang humahanga sa iyo. Siguro lumalagpas ng 200 ang heart reacts sa DP mo, ‘no? 

Kung lahat ng ito ay malapit sa iyong karakter, tiyak na ikaw si Crisostomo Ibarra ng panahong ito!

Fidel

Kung may sinaunang green flag, mayroon namang sinaunang red flag, at si Fidel ang kumakatawan diyan! Maloko at medyo may bahid ng diskriminasyon pagdating sa kababaihan at mga mahihirap pero ikaw rin ‘yung tipong kinakailangan lamang ng tatayong “Klay” sa kanilang buhay upang matuto. 

Sa kabila nito, isa kang mapagmalasakit na kaibigan at palaging handang tumulong anumang oras. Kadalasan, tumatayo ka ring happy pill sa grupo. 

P.S. Ang hilig mo ring tumanggap ng mixed signals

Donya Victorina

Isa kang biktima ng colonial mentality o kolonyal na mentalidad. Pinipilit mong baguhin ang iyong sarili upang makapasok lang sa eurocentric beauty standards at gayahin ang paraan ng pamumuhay ng mga nasa ibang bansa. Gusto mo rin siguro ng ‘Fil-Am’? 

Nako! Hindi dapat ganiyan. Kahit aminin natin na mahirap, dapat ay turuan natin ang ating sarili na yakapin at mahalin ang ating identidad bilang Pilipino. 

Padre Damaso

Wala na kaming masabi basta may anger issues ka. Bigyan ka ng kaunting pagkain, galit. Mabasa ng tubig, galit. Mapanlait at mapang-api. Siguro pagdating sa friend group, ikaw ‘yung palaging nagwo-walk out at nagrereklamo sa mga bagay-bagay. 

Padre Salvi

Bb. Alexa, paki-simulan ang tugtuging "Don’t Blame Me" na inawit ni Bb. Taylor Swift!

Pagdating sa biruan, ang iyong go-to phrase kapag nalalaman mong may nobyo na ang iyong natitipuhan ay “Kung bansa nga naaagaw, jowa pa kaya?” Bukod rito, balat sibuyas ka. Maramdamin, yung tipong hawakan lamang ang iyong balikat ay nagagalit ka na kaagad. Siguro naiinis ka sa mga katagang, “Hawakan mo nga yung tenga oh!” tuwing may nag-aaway. 

Panghuli, ikaw ang darkest shade of red, bilang red flag.

Sisa

Kung sa tropahan, si Ibarra ang mala-father figure, ikaw naman yung mother figure. Natural kang mabuti, maalaga, at handang unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sarili. 

Isa pa, mas pinapairal mo rin ang iyong puso kaysa sa iyong isipan kaya sa huli ay madalas kang nasasaktan at inaabuso na minsan ang iyong kabutihan. Relate na relate ‘no? 
 
Crispin 

Ikaw ay isang mabait at mapagmahal na kapatid ngunit kadalasan, may mga pagkakataong sobra-sobra ka kung magpaliwanag dahil natatakot kang hindi maintindihan ng mga tao lalo na kung ipinapaliwanag mo ang iyong panig. Marahil ay naranasan mo na ring maparatangan kagaya ni Crispin kaya ka nagiging sobrang defensive

May mga pagkakataon ding ayaw mong pinag-aalala ang iyong mga minamahal sa buhay kung kaya’t sinusubukan mong magmukhang okay sa lahat, lalo na sa iyong ina at kapatid. 

Basilio

Bata pa lamang ay matured at mulat ka na sa buhay dahil sa iyong mga naging karanasan. Lagi ka ring maaasahan ng mga tao sa paligid mo dahil sa busilak mong puso. Higit pa rito, ikaw ay matiyaga, mapagmahal, at handang magsakripisyo para sa iyong mga kapatid o magulang. 

Yakap para sa mga panganay na anak!

Pilosopo Tasyo

Katulad ni Pilosopo Tasyo, ikaw ay matalino at malalim mag-isip. Bukod rito, ikaw rin ay tila-lowkey o misteryoso. Mulat ka sa iba’t ibang isyu sa bansa tulad na lamang ng opresyon na dinaranas ng masa, pati na rin ang kasakiman ng mga nasa pulitika. 

Kaakibat nito, handa kang tumindig at ipaglaban ang katotohanan at ang iyong prinsipyo kahit pa husgahan ka ng ibang tao. 

Ika nga nila, “History repeats itself,” kaya hindi maipagkakailang may mga pagkakataong ang mga taong nanirahan sa sinaunang panahon ay tila namumuhay muli sa kasalukuyang panahon, gaya na lamang ng mga karakter sa “Maria Clara at Ibarra.” Kung ikukumpara, mayroon pa rin ngayon sa ating lipunan na katulad ni Padre Salvi, Donya Victorina, o kaya naman ay katulad nila Sisa o Pilosopo Tasyo. 

Kaugnay nito, dito rin  pumapasok ang kahalagahan ng pagbabalik-tanaw at pagbibigay-oras upang aralin ang ating kasaysayan. Isang paraan nito ay ang pagbabasa ng mga makasaysayang panitikan, katulad na lamang ng Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal. 


Previous Post Next Post