Jhennisis Valdez

Nakarating ka na ba ng Boracay? Kung hindi pa, dalian mo na hanggang buo pa ito at hindi pa lumulubog. 

Photo Courtesy by Klook

Hindi natin maikakaila ang gandang taglay nang tinaguriang “one of the best beaches in the world,” ang Boracay Island. Nakilala ito sa buong mundo dahil sa mala-pulbos nitong puting buhangin, crystal azure na tubig, at mayaman na marine life. Ngunit kamakailan lamang muli itong naging patok sa social media dahil sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau Region VI (DENR-MGB-6) na kung saan umabot na sa humigit 800 sinkholes ang natagpuan sa isla, na siya namang ikinabahala ng mga turista at mga residente ng Boracay.  

Ayon sa Karst Subsidence Hazard Mapping na inilabas ng DENR-MGB-6, nasa 815 

sinkholes ang naitala sa buong isla. Karamihan sa mga ito ay matatagpuan sa Barangay Manoc-manoc na pumalo sa bilang na 293, at ang natitira naman ay matatagpuan sa Barangay Balabag at Yapak. 

Ugat ng mga Sinkhole

Dagdag pa ng ahensya, highly susceptible ang buong isla ng Boracay sa mga sinkholes, sapagkat karamihan ng lupa at bato dito ay limestone. 

Pagpapaliwanag naman ng Executive Director ng UP Resilience Institute and NOAH Center na si Prof. Mahar Lagmay, ang limestone ay nabuo mula sa mga namatay ng coral reefs. Halimbawa na nito ang Pilipinas na dating nakalubog sa ilalim ng dagat; nang ito ay lumitaw, ang mga coral reefs ay namatay at naging bato o naging parte ng isla, na kung tawagin ay limestone. 

Kasunod ng prosesong ito ang pag-ulan. Habang nasa ere pa ang ulan, nagre-react ito sa mga kemikal ng atmosphere na kung saan nagdudulot ng pagiging acidic ng nasabing ulan.

Ang ulan na ito ay hindi lahat umaagos o pumapatak sa ilog, kundi sinisipsip ito ng lupa at napupunta sa ilalim. Dahil dito, nagre-react ang acid rain sa mga limestone; habang tumatagal, sinisira ng acid rain ang limestone na nagsasanhi ng pagkakaroon ng maliliit at malalaking butas sa ilalim ng lupa. 

Bunga nito, ang maaaring paglubog ng lupa na nasa ibabaw ng limestone kapag nagkaroon ng malakas na ulan o lindol, o mas kilala sa tawag na sinkhole, na kung saan ito ang kinakaharap ngayon ng Boracay.

Bukod pa rito, ang pagkakaroon o pagkakabuo ng mga sinkhole ay inaabot ng panahon, kaya inaasahan na mas dadami pa ang bilang nang naitalang sinkhole sa boracay paglipas ng ilan pang taon. 

Mabubura ba ang Boracay?

Kaugnay nito, ayon naman sa Director ng UP National Institute for Geological Sciences na si Dr. Carlo Arcilla, ang sinkhole ay nagsisimula sa ilalim ng lupa kaya naman hindi pa ito agad nakikita. 

Ngunit sambit pa niya na sa kanyang palagay ay wala sa beach front ang mga sinkhole, “kung may sinkhole yan, papasukin na yan ng sand at tubig… wala ng babagsak sa part na yan kasi saturated na yan ng sand,” aniya. 

Dagdag pa rito, naniniwala din si Arcilla na nasa mataas na lugar ng Boracay o bulubundukin matatagpuan ang mga sinkhole. 

Habilin din ni Arcilla na dapat malagyan ng signage o babala ang mga lugar na mayroong sinkhole upang manatiling ligtas ang publiko.

Walang Kasiguraduhang 215

Sa kabilang banda, ayon naman sa Mayor ng Malay, Aklan na si Mayor Frolibar Bautista, wala pa naman siyang natatanggap na datos o balita na kung saan gumuho ang isang estruktura sa boracay gawa ng sinkhole. Hindi rin alam ni Mayor Bautista kung paano ang ginawang pagtala ng MGB sa bilang ng sinkhole sa boracay, at naniniwala din siya na hindi lahat ng naitalang sinkhole ay tunay na sinkhole.

“Ewan ko lang kung paano nila ‘yan in-identify, kung radar ang ginamit talagang makikita ang mga butas na yan; balon isasama nila yang butas na yan. Then sa kalsada, ilang telcos ba dito ang naggawa ng manhole, sinkhole din yon makikita yon sa radar yung butas na yan,” aniya. 

Paliwanag pa ni Mayor Frolibar na ligtas pa rin magtungo sa Boracay ang mga turista. 

Patuloy na Pananaliksik

Noong 2018 pa unang naglabas ng datos ang MGB kaugnay ng pagrehabilita sa Boracay, na kung saan humantong ito sa bilang na 789 sinkholes, tumaas naman ito sa 801 noong 2019, naging 814 pagtungo ng 2020, at 815 mula 2021 hanggang 2022.

Kaya naman ayon sa Chief ng MGB Region VI - Geosciences Division na si Mae Magarzo, para maiwasan ang pagguho ng mga establisiyamento malaking tulong ang pagbawas sa bigat nito, hanggat maaari one-storey lamang ang ipatayo.

“Kung sobrang bigat ng structure, nag-a-add ng weight, plus the fact na natutunaw ‘yung ilalim. Only time can tell, kung babagsak siya,” aniya.

Ngunit dahil sa dami nang bilang ng sinkhole na naitala ng MGB, hindi mawawala ang takot sa mga turista.

Panawagan naman ng mga turista at lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ay sabihin ng MGB kung saan makikita o kung saan nakapwesto ang mga sinkhole, nang sa gayon ay malaman ito ng publiko.

Kaugnay nito, ayon kay Prof. Mahar Lagmay sa panayam nito sa NET 25, wala dapat ikabahala ang mga turista pagdating sa pagguho ng mga establisiyamento dahil sa sinkhole, sapagkat bago pa itayo ang mga ito nagkakaroon muna ng soil test kung pupwede ba itong tayuan ng istruktura.

Isa ang Boracay Island sa mga destinasyon sa mundo na talaga namang dinudumog ng iba’t ibang turista taon-taon, ngunit dahil sa pagrami ng sinkhole, patuloy pa kayang magtungo ang mga turista rito? Ngunit hindi pa naman huli ang lahat; habang patuloy na nagsasaliksik ang mga siyentista at eksperto para makumpirma o mapabulaanan ang mga sinkhole, tara na at magpunta sa Boracay upang masaksihan ang world class nitong ganda.