Vincent Kierk Tugnao

Masaklap na pagkatalo ang bumungad sa Philippine Women’s Football Team sa kanilang laban kontra Myanmar, 0-1, sa pagpapatuloy ng 2023 SEA Games nitong Miyerkules ng gabi sa Tiffy Army Stadium, Cambodia.

Photo Courtesy of PFF/PWNT

Mula sa kanilang magandang kampanya noong Olympic Qualifiers, tila nag-iba ang ihip ng hangin sa Filipinas nang magpamalas ng winning penalty kick si Win Theingi Tun ng Myanmar sa ika-89 na minuto.

Matatandaang nasulot ng Women’s team ang Burmese squad sa bronze medal match sa nakaraang edisyon ng SEA Games sa Vietnam sa iskor na 2-1.

Bago ang kabiguan, hirap nang makaporma sina Carleigh Frilles at Quinley Quezada sa ibinibigay na depensa ng katunggali.

Hindi rin nakalusot ang shot attempt ni Anicka Castaneda galing sa set piece sa pagtatapos ng first half.

Tinangka namang gibain nina Quinley Quezada at Sarina Bolden ang backline ng Myanmar sa second half, ngunit ni isa ay walang nai-convert sa goal.

Natawagan ng foul sa loob ng box ang Filipinas defender Sofia Harrison kaya agad nakuha ni Win ang pagkakataong maka-puntos para sa Myanmar.

Parehong nakakuha ng tig-3 puntos ang Myanmar at Vietnam para sa Group A, samantalang nahaharap sa elimination zone ang Malaysia at Pilipinas.

Makakalaban ng Filipinas ang Malaysia sa Sabado, May 6 sa parehong venue ng laro.


Diana Mae Salonoy