Lynxter Gybriel L. Leaño
 
Sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 24, binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga “smugglers” at “hoarders” ng agrikultura bilang isa sa mga salik ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Photo Courtesy of RTVM/DA-AFID

“Isa sa mga dahilan ng pagtaas ng presyo ay ang mga smuggler, mga hoarder, at mga nagmamanipula ng presyo ng produktong agrikultura. Hinahabol at ihahabla natin sila,” diin ng Presidente na kasalukuyan ding kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Pandaraya — kung maituturing ni Marcos — ang sistema ng mga taong sangkot sa naturang panloloko dahil naaapektuhan nila ang araw-araw na pangkabuhayan ng mga Pilipino.

"Napapahamak hindi lamang ang mga magsasaka, kundi tayo na ring mga mamimili. Kaya hindi natin papayagan ang ganitong kalakaran,” dagdag pa niya.

Kamakailan lamang ay pinaimbestiga na ng Pangulo sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang smuggling, hoarding, at pagmamanipula ng presyo ng sibuyas at iba pang farm goods.

Samantala, ikinatuwa naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Executive Director Jayson Cainglet ang pagsali sa pag-amyenda ng Anti-Smuggling Agriculture Act bilang isa sa mga prayoridad na batas ng Pangulo.

Giit pa ni Cainglet na hindi ang local producers ang dahilan kung bakit biglang tumataas ang presyo ng mga agrikulturang produkto, taliwas raw ito sa sinasabi ng economic managers.

“Charges should be filed against smugglers and hoarders who are behind the spike in the retail prices of farm products. A decision of the court should be issued this year sentencing those involved to serve as warning,” sambit pa niya.
 

 Iwinasto ni Kriztelle Sitoy