‘NALIMUTAN?’: Marcos, binatikos sa mga isyung bigong talakayin sa SONA 2023
Basti Vertudez
Nagkaroon ng pagkadismaya mula sa iba't ibang sektor ng bansa matapos ang State of the Nation Address (SONA) 2023 noong Hulyo 24, dahil umano sa pagkalimot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na banggitin ang ilang mahahalagang isyu ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati na tumagal ng isang oras at labing-isang minuto, sinabi ni Marcos na kumpiyansa siya na "the state of the nation is sound, and is improving."
Gayunpaman, hindi nakaligtas ang pangulo sa mga kritisismo matapos umano niyang manahimik tungkol sa mga sumusunod na isyu ng bansa:
Sitwasyon ng Ekonomiya ng Pilipinas
Isa sa mga pinuna ng oposisyon sa kanilang "counter-SONA," partikular na si Albay 1st District Representative Edcel Lagman, ay ang kakulangan ng polisiya ng pangulo sa kabila ng pagmamalaki nito na bumaba ang inflation rate ng bansa.
“What magic wand did you wield to ease the inflation? Or the inflation waned as a result of normal economic dynamics without much government intervention,” pangunguwestiyon ni Lagman.
Sa kanyang SONA, binanggit lamang ng pangulo ang pagluwag ng inflation na nagpapahiwatig na patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, bagaman sa mas mabagal na antas. Ito ay salungat sa paniniwala na talagang bumababa na ang mga presyo.
Dagdag pa ni Lagman, dapat sukatin ang paglago ng ekonomiya ng bansa batay sa Human Development Index (HDI), isang pamantayan para masukat ang kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan sa isang bansa.
Ito ay tugon niya sa sinabi ni Marcos na nakabawi na ang ekonomiya ng bansa, batay sa 7.6% na gross domestic product (GDP) nito noong 2022. Ayon kay Lagman, hindi na sapat ang pagbabase sa GDP lamang upang sukatin ang ekonomiya ng bansa.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay nasa "below the Asia Pacific average" pagdating sa HDI at nasa ika-116 na puwesto mula sa 199 na mga bansa.
Mataas na Presyo ng mga Produkto sa Agrikultura
Binatikos din ni Gabriela Representative Arlene Brosas ang pagmamalaki ni Marcos na 1.8 milyong Pilipino ang nakinabang sa murang produkto mula sa programang Kadiwa na mayroong 7,000 na sangay sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Sinabi ni Brosas na hindi ito sapat upang labanan ang mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura.
Bukod pa rito, hindi rin daw nabanggit ni Marcos sa SONA ang plano niya para mabawasan ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.
“He has no concrete plan to boost local production and the rice and food industry,” pagbatikos ni Brosas.
“We need comprehensive, long-term, and sustainable solutions that focus on boosting agricultural production, supporting local farmers, and ensuring food security for all,” panawagan pa ni Brosas.
Mababang Sahod sa Sektor ng Paggawa
Kahit may pagtaas sa minimum wage sa National Capital Region (NCR) nitong buwan, hindi nabanggit ni Marcos ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawang Pilipino sa buong bansa.
Ayon sa Federation of Free Workers, bingi ang katahimikan ng pangulo sa mga isyung kinahaharap ng mga manggagawa kahit na ito na ang ikalawang SONA niya.
“The silence about the wage increase, ending contractualization and recognizing the right to organize are so deafening, workers can hear the silence with their empty stomachs and overworked bodies,” dagdag nito.
Hanggang ngayon, nakabinbin pa rin ang pagtataas ng sahod sa limang rehiyon sa bansa. Ilan sa mga rehiyong ito, tulad ng Region III, IV-A, VI, at VII, ay nagpasa na rin ng petisyon para sa wage hike.
Isyu sa Pampublikong Transportasyon
Tungkol sa sektor ng transportasyon, tila nakalimutan din ni Marcos na talakayin ang kanyang plano hinggil sa modernisasyon ng public utility vehicles (PUVs) at jeepney phaseout.Kaya naman, nagpahayag ng pagkadismaya ang iba't ibang grupo ng transportasyon dahil hindi raw nila narinig ang kanilang mga hinaing.
Isa sa mga grupo na ito ay ang samahan ng mga mananakay at manggagawa na Manibela, na sinuspinde ang kanilang tatlong araw na transport strike na nagsimula noong Hulyo 24 bilang protesta sa hindi sapat na pagtugon ng pamahalaan sa mga isyung pang-transportasyon.
Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, nagsuspende sila matapos ang pakiusap ng Malacañang na bumalik na lamang sa pagpamasahe, dahil masasalanta raw ang mga pasahero kung itutuloy nila ang welga.
“Tinawagan po tayo ng mga ahensya ng gobyerno upang mag-usap patungkol sa ating kilos protesta. Dahil alam nilang walang binanggit ang ating pangulo na kahit ano para sa transportasyon… sa lahat po ng nagtatanong ‘dismayado’ po tayo,” pahayag ng Manibela sa Facebook.
Paglabag sa Karapatang Pantao
Batay sa mga miyembro ng oposisyon, hindi rin binanggit ni Marcos ang mga pag-abuso sa mga aktibista, ang mga pag-atake sa mga mamamahayag, ang pagpatay sa ilang mga opisyal na nahalal, ang red-baiting, at iba pang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao o human rights violations (HRVs).
Sinabi ni Lagman na nagpapakita ito ng pagkawala ng interes ng pangulo na panagutin hindi lamang ang mga may sala ng HRVs, kundi pati na rin ang mga responsableng mga kasalanan noong panahon ng kanyang ama, ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
“How can there be accountability when the President obstinately refuses to even recognize the existence of these violations?” ani ni Lagman.
Gayundin, hindi rin daw inilahad ng pangulo ang posisyon ng Pilipinas sa patuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Lagman, dapat suportahan ito ng pamahalaan ng Pilipinas, kahit na itinanggi na ng pandaigdigang korte ang kanilang apela na itigil ang imbestigasyon.
Isyu sa West Philippine Sea
Hindi nabanggit ni Marcos ang pang-aabuso ng mga barkong Tsino sa mga Pilipinong sasakyang pandagat na naglalayag sa West Philippine Sea.“President Marcos’ apparent silence on the issue of our national sovereignty reflects his administration’s neglect to address the sea row,” patutsada ng Pamalakaya, isang fisherfolk group.
Hindi rin kinondena ng pangulo ang paglabag ng China sa arbitral ruling na nagpapawalang-bisa sa kanilang pag-angkin sa nasabing karagatan. Ito ay salungat sa kanyang pangako na ipagtatanggol ang bansa laban sa dayuhang paglusob sa kanilang teritoryo.
“We were expecting that this urgent matter that involves our national territory and integrity is at the center stage of the state of the nation,” dagdag ng grupo.
Nabigong Rebranding ng Pamahalaan
Hindi rin nabanggit sa SONA ng pangulo ang isyu hinggil sa paggamit ng Department of Tourism (DOT) ng mga stock footage mula sa ibang bansa upang iendorso ang "Love the Philippines" campaign nito.Bagamat nagkakahalaga ito ng ₱49 milyon, inilinaw ng ahensya na hindi ito gumastos ng public funds para rito.
Gayunpaman, kinaharap ng rebranding na ito ang kritisismo mula sa publiko dahil sa alegasyon ng "plagiarism" at pagkawala ng kredibilidad ng pamahalaan.
Iniwasto ni Quian Vencel A. Galut