Edmund Jr. Pelingon 

Kinuwestyon ni Kabataan Representative Raoul Manuel noong ika-7 ng Setyembre sa kaniyang Twitter post ang pondo ng Office of the Vice President para sa “Confidential Fund” noong 2022 na wala sa listahan ng 2022 General Appropriation Act ang “Confidential Fund,” hindi tulad ngayong 2023.


Claim: Ayon kay Rep. Manuel, kataka-taka ang paglilipat ng PHP 125 milyon na pondo sa “savings” ng Office of the President (OP) para ilaan sa “Confidential Fund” ng Office of the Vice President para sa taong 2022, sa kadahilanang wala ito sa General Appropriation Act (GAA) sa naturang taon na ito. Ipinunto niya na hindi maaaring magpasa ng pondo ang OP para rito dahil wala ang “Confidential Fund” sa listahan ng GAA.

Rating: True

Conclusion: Hindi nilista o nagbigay ng pondo ang nakaraaang bise presidente na si Leni Robredo para sa taong 2022, kaya hindi maaaring biglaang magkaroon ng alokasyon para sa “Confidential Fund.” Base sa Joint Circular 2015-01 ng Commission on Audit (COA) maaari lamang bigyan ng pondo ang isang ahensya para rito kung ito ay nakatala sa GAA o ibang batas —  isa sa mga dahilan kung bakit “unconstitutional” ang biglaang pagpapasa at paglalaan ng pondo rito.



Kinuwestyon ni Kabataan Rep. Raoul Manuel ang biglaang pagkakaroon ng Office of the Vice President ng pondo para sa Confidential Funds noong 2022. Iginiit niya na hindi pwedeng magkaroon at bigyan ng biglaang pondo para sa “Confidential Funds” kung wala ito sa alokasyon ng national budget at ibang batas.

Inusisa niya rin ang paglipat ng Office of the President ng humigit-kumulang na PHP 125 milyong “Confidential Fund” noong 2022. Aniya’y, inaprubahan ng pangulo na magkaroon ang bise presidente ng pondo kahit na walang alokasyon ang OVP para rito.

Kasunod ito ng pagtatanong ni ACT Teachers Rep. Castro sa COA sa pondo ng OVP para rito kahit wala ito sa GAA ng taong 2022 sa pagdinig ng 2024 Proposed COA Budget. Itinaas niya ang tanong kung saan nga ba nanggaling ang PHP 125 milyong pondo para rito.

Ayon sa Office of the Executive Secretary, nanggaling ang pondo para sa “Confidential Fund” ng OVP sa pagpapasa ng “savings” ng OP sa OVP. PHP 221.424-million na pondo mula sa “2022 Contingency Fund” ng OP; PHP 96.424 milyon para sa “Financial Assistance” at PHP 125 milyon para sa “Confidential Fund.”

Ang claim na ito ay TAMA.

Ayon sa Article VI ng konstitusyon, sa Kongreso dapat manggaling ang panukalang-batas sa paglalaan ng badyet. Hindi maaaring ilipat ang pondo; maliban sa ilang piling ahensya, kung nagkaroon ng awgmentasyon o kakulangan sa badyet, kung galing ito sa savings ng isang ahensya sa parehong sangay ng pamahalaan, o ito ay awtorisado ng isang batas.

Idiniin naman ng Malacañang na legal ang paglaan ng humigit-kumulang na PHP 221.424-million na pondo galing sa “2022 Contingency Fund.” Ayon ito sa Special Provision No. 1 ng FY 2022 Contingent Fund na nagsasaad na maaaring mag-apruba ang pangulo para sa mga bago o kailangan na aktibidad ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan.

Ngunit, ayon sa Joint Circular 2015-01 ng COA, maaari lamang bigyan ng pondo para sa “Confidential Fund” ang isang ahensya ng gobyerno kung ito ay malinaw na binigyan ng alokasyon sa pamamagitan ng GAA o iba pang batas.

Ayon kay Senador Hontiveros sa pagdinig ukol dito, “Walang ‘confidential fund’ ang OVP sa taong 2022 na maaaring paglipatan ng pondo ng pamahalaan…” Idinagdag niya na kahit pinapayagan ng batas na maglipat ng natitirang pondo ang ilang piling ahensya, hindi maaaring magdagdag ng pondo sa “non-existent” na probisyon ng GAA.

Kaugnay nito, nagtakda ang Senado ng kaukulang patakaran upang pagbawalan ang paglabas ng impormasyon sa mga “secret allotment” at nagtakda rin ng kaukulang parusa sa sino mang lalabag dito. 


---


Makiisa sa aming kampanya kontra mis/disimpormasyon sa pamamagitan ng pagreport ng mga ito na iyong makikita sa internet. 

Para mag #FactCheck, maaari mong i-report ang mga ito sa: