KOLUM | Businang hindi pinakikinggan
Kenjie-Aya Oyong
Kung ang iba ay maligayang naghahanda at nagdiriwang sa kani-kanilang mga tahanan, ang iba, nagwewelga sa lansangan. Kasabay kasi ng pagwawakas ng taong ito ay ang napipintong pagkawala ng kabuhayan ng mga driver at operator.
Kamakailan, hindi pinagbigyan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang hiling na i-extend ang Disyembre 31 na deadline para sa konsolidasyon ng prangkisa para sa isinusulong na Jeepney Modernization Program. Iyon ang naghimok sa dalawang transport group, ang PISTON at Manibela, na salubungin ang Pasko sa pamamagitan ng pagkasa ng halos dalawang linggong tigil-pasada.
Tila ba walang buwan na lumipas na hindi nagkakasa ng tigil-pasada ang mga transport group na ito. Maging ang Pasko na dapat sana’y masayang ipinagdiriwang, hindi rin pinatawad ng tigil-pasada. Hindi sa nakakaumay ang walang prenong pagpapatupad ng mga transport strike ng mga tsuper. Ang nakakasuya ay ang katotohanang mula noon hanggang ngayon ay hindi na talaga sila pinakikinggan nang mabuti kahit na ilang beses na nilang ipinagsisigawan ang kanilang hinaing.
Sa pahayag ni Pangulong Marcos, nabanggit niyang 70% na raw ng PUV ang nakapagkonsolida. Totoo naman; ang problema, hindi nakatuon ang bilang na ito sa mga jeepney. Sa Metro Manila, 26% pa lang ng kabuuang bilang ng unit ng jeepney ang nakonsolida. Sa buong bansa, hindi pa umaabot sa 60% ang bilang, mas mababa sa pinoproklama ni Marcos na 70%.
Sa mahigit 200,000 PUV sa bansa, lagpas 150,000 rito ay mga jeepney na pumapasada sa mga lansangang-bayan sa buong Pilipinas. Sa oras na matuloy ang Disyembre 31 na deadline, 60,000 PUV ang mape-phase out. 60,000 driver at 25,000 operator ang mawawalan ng trabaho.
Hindi biro ang bilang na ito, at mas lalong hindi ito pawang mga “minorya” lamang na sinasabi ni Pangulong Marcos na puwede nang ietsapuwera sa susunod na taon. Mga tao ito na naghahanapbuhay nang marangal upang may maipakain sa kanilang pamilya araw-araw. Sa oras na mapatalsik ang kanilang mga jeep sa kalsada, malaking dagok ang kahaharapin ng sistemang pantransportasyon sa bansa. Hindi lamang ang mga tsuper ang makararanas ng kalbaryo, maging ang mga pasaherong araw-araw kailangang mag-commute.
Cartoon by Maurice Gimena |

Kung sa tingin ni Pangulong Marcos ay posibleng makaapekto ang abalang idudulot ng mga “minoryang” ito sa ekonomiya ng bansa, walang-wala pa ito sa posibleng implikasyon ng pagpapatupad ng modernisasyon kung saan libo-libong tsuper ang daragdag sa bilang ng mga walang trabaho sa bansa, at daang libong mga commuter ang mabubutasan ng bulsa sa taas ng magiging pamasahe ng mga modernisadong jeepney.
Ang mas malala pa rito, maging ang mga simpleng mamamayan ay hindi rin nakakaunawa sa sitwasyon ng mga tsuper at ikinatutuwa pa ang napipintong pagkawala ng kanilang kabuhayan. Mukhang hindi rin batid sa iba na hindi kaya ng isang tsuper na 300 piso lang ang inuuwi kada araw na bumili ng modernisadong jeepney na 17 beses na mas mahal kaysa tradisyunal. Hindi na mabilang sa daliri ang beses na nagtanong ang mga tsuper kung saan nila kukunin ang pambili lalo na at halos 6% lang ng kabuuang presyo ng modernisadong jeepney ang kayang tapalan ng panukalang subsidiya ng pamahalaan.
Kahit na magkonsolida ng unit ang mga tsuper at sumali sa isang kooperatiba, dehado pa rin sila. Sa membership fee pa lang, lugi na agad ang mga operator. Idagdag pa na sa taas nga ng halaga ng mga modernisadong jeepney, mababaon lang sa utang ang mga driver at operator kapag kumuha ng loan ang kooperatibang sinalihan ng mga ito. Sa oras na mabangkarota ang isang kooperatiba, tiyak na mga mayayamang korporasyon na may kakayahang pinansiyal na kumpletuhin ang mga kahingian ng programa ang magte-take over. Sa madaling salita, maiiwan ang mismong mga jeepney driver at operator sa biyaheng modernisasyon at tanging mga mayayaman lamang ang makikinabang dito.
Dapat lang namang mapalitan na ng bago ang ilang mga jeep na malapit nang kumalas sa sobrang luma dahil takaw-disgrasya ito lalo na kung kaskasero pa ang may hawak ng manibela, pero hindi tama na ang mga tsuper mismo ang pagbabayarin para doon. Sa totoo lang, mabuting bagay ang pagkakaroon ng mas ligtas at mas malinis na sistemang pantransportasyon, pero hindi dapat maging kapalit niyon ang kabuhayan ng mga taong sa pamamasada kumukuha ng panustos araw-araw para sa kanilang pamilya.
Ilang beses nang nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng pamahalaan at iba’t ibang mga transport group pero halos wala pa rin iyong pinatunguhan. Hindi ko isinasantabi ang pag-e-extend ng deadline mula ika-30 ng Hunyo hanggang sa huling araw ng taon. Mainam din ang paglilinaw ng LTFRB na papayagan pa rin naman nilang bumiyahe ang mga tradisyunal na jeep sa mga lansangan pagkatapos ng Disyembre 31. Nagbibigay na rin sila ng livelihood at skills training program para sa mga apektadong PUV driver at operator. Pero kung iyon talaga ang hinihinging solusyon sa problema ng mga tsuper, bakit hanggang sa kadulo-duluhan ng taon ay nagsagawa pa rin sila ng tigil-pasada at protesta?
Paulit-ulit at matagal nang binusinahan ng mga kontra sa konsolidasyon ang pamahalaan sa tuwing may tigil-pasada, pero sarado talaga ang mga tainga nila. Hindi na nga nila binigyan ng matinong tugon at maayos na solusyon ang mga tsuper, tahasan pa ang kanilang panggigipit; inipit ang mga tsuper sa dalawang pagpipilian—magpakonsolida o matanggalan ng prangkisa.
Halos dalawang linggo ang tagal ng tigil-pasada; ganoon katagal na walang kita ang mga tsuper. Nakalulungkot na sa ganoong paraan nila sinalubong ang Pasko. Sa pagnanais nilang mapakinggan at maisalba ang kanilang kabuhayan, hindi na nila inaalintana kung wala na silang pambili ng pagkain.
Kaya bago sabihing ginugutom lang nila ang sarili at pamilya nila sa tigil-pasada, sana ay alamin muna kung ano ang matagal na nilang ipinaglalaban at tingnan kung saan sila nanggagaling. Para sa kanila, kung hindi nila palilipasin ang gutom sa mga oras na sila ay nagpoprotesta, habambuhay nilang titiisin ang kalam ng sikmura sa susunod na taon kapag nawala sila sa kalsada.