Ryann Yap

Nagmitsa si Yuki Togashi ng late-game momentum sa opensa at nang pangunahang makapuslit ang Chiba Jets ng tiket papuntang finals ng East Asia Super League (EASL), 92-84, kontra sa New Taipei Kings, sa Hoops Dome, Cebu, nitong  Biyernes, Marso 8.

Photo Courtesy of EASL

Sa ilalim ng huling apat na minuto ng laro, pumukol ng tres ang Japanese national team star player upang itabla ang iskor sa 82, na hudyat ng 13-2 winning run ng Chiba.

Mula naman sa isang second chance opportunity, dumiin din ng tres si Shuta Hara upang palobohin  ang lamang ng Jets sa tatlo, 85-82, na sinundan pa ni Yuki ng isang bantay-saradong lay-up upang angkinin ang komportableng 87-82 abante.

Kabilang sa kaniyang 28 puntos, bumira ng isang bullet pass si Togashi na nauwi sa high percentage basket ni John Mooney, sapat para mapanatili ng Chiba ang limang puntos na kalamangan, 89-84, sa nalalabing 45.5 segundo ng laban.

Ibinahagi ni Yuki ang naging preparasyon niya at ng Jets sa pagharap sa bigating Lin brothers ng New Taipei.

“We were looking for a person matching up Jeremy Lin. Unfortunately, he couldn’t play but matching up with his little brother Joseph was really exciting, we know he was talented but again, it was really a good motivation,” wika ng 30-year-old point guard.

Naging alas din ng Jets ang dalawang double-double performance nila Xavier Cooks na may 24 na puntos, 22 rebounds, at anim pang blocks, na agad sinuportahan ng 22 puntos na may 12 rebounds naman mula kay Mooney.

Samantala, kargado naman ng 21 puntos at limang assists ni Joseph Lin ang opensa ng Kings na kinapos para makatawid sa huling round ng liga, sa kabila ng hindi paglaro dahil sa injury ng kaniyang kapatid na former NBA Star Jeremy “Linsanity” Lin bago ang tunggalian.

Dikdikan ang girian ng magkabilang koponan sa kabuuan ng ikatlong yugto mula sa contested three-pointer ni Togashi sa ika-6:56 minuto, 55-54, na mabilisang nirespondehan ng kaniyang bantay na si Lin ng isa ring tres, 57-55, upang mabawi ng Kings ang lamang.

Nagtapos ang nasabing kuwarter sa iskor na 67-66, pabor sa New Taipei.

Sagutan ng basket lang din ang naging takbo ng pagsasara ng halftime na pinangunahan ni Cooks, 50-47, tatlong puntos na espasyo para sa Chiba.

Tinapos naman ni Yuki ang unang yugto sa isa ankle-breaker, crossover jump shot sa huling pitong segundo, 32-25.

Nakatakda namang harapin ng Jets ngayong Linggo, Marso 10, ang Seoul SK Knights sa parehong venue para sa finals, matapos nitong ligwakin ang koponan ni Rhenz Abando na Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters.