EXPLAINER | Ang KA-SAYSAY-AN ng Buwan ng Kababaihan sa Pilipinas
Aifer Jessica Jacutin at Grace Golong
Sa mahabang panahon, isa ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na rating pagdating sa gender equality sa buong mundo. Sa katunayan, tuwing buwan ng Marso, ipinagdiriwang sa ating bansa ang National Women’s Month. Samantala, sa ika-8 naman ng parehong buwan ay may paggunita rin sa International Women’s Day, bagay na pinasimulan ng United Nations (UN). Gayumpaman, bago pa man maitaguyod ang pagkakapantay-pantay pagdating sa karapatan ng lahat ng kasarian, masalimuot ang kasaysayang nagpatuwid sa kurbado nitong kaanyuan.
Ano ang Kasaysayan ng Women’s Month?
Matagal nang ipinaglalaban ng kababaihan sa buong mundo ang kanilang karapatan. Taong 1907 nang simulan ng mga Pilipina ang kilusan upang mabigyan sila ng karapatang bumoto at makapasok sa mundo ng politika, subalit inabot pa ito ng tatlumpung taon bago napayagang makalahok ang kababaibahan. Bagamat patuloy na lumalawak at umuunlad ang gender equality sa bansa, kasabay rin nito ang paglobo ng bilang ng mga karahasan sa kababaihan.Sa katunayan, sa inilabas na 2022 National Demographic and Health Survey (NDHS), 17.5% ng kababaihang nakapaloob sa edad na 15-49 ang nakararanas ng pisikal, emosyonal, at seksuwal na karahasan. Sa kabila ng mga umiiral na batas, hindi pa rin ito tuluyang nasusupil. Dagdag pa rito, tatlumpung bahagdan lamang ng mga biktima ang nakapagsusumite ng reklamo at nakahihingi ng tulong. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit itinaguyod ng UN ang selebrasyon ng International Women’s Day–upang ipaalala ang kahalagahan ng kababaihan at itaas ang kamalayan patungkol sa mga isyung panlipunang kinaharap at kinahaharap nila.
Pagsibol ng Karapatan sa Pagboto ng Kababaihan sa Pilipinas
Taong 1907 nang ipasa ni Cebu Congressman Filemon Sotto ang isang batas para sa karapatan ng kababaihan sa Philippine Assembly, siyang sinimulan ni Pura Villanueva, upang bigyang-karapatan ang mga Pilipinang makiisa sa demokratikong pamahalaan ng bansa. Sa bisa ng Konstitusyon ng 1935, itinakda ang proseso para sa pagkakaroon ng karapatang bumoto ng kababaihan, kung saan mangyayari lamang ito kung ang 300,000 na kababaihan ay bobotong pabor sa loob ng dalawang taon.Isang makasaysayang araw ang nangyari noong Abril 30, 1937 kung kailan magtagumpay na nakamit ng mga Pilipina ang karapatan na bumoto, kung saan 447,725 (90%) sa kanila ang bumoto ng pabor’. Dahil dito, isa ang Pilipinas sa mga unang bansa sa Asya na nagtatag ng karapatan sa pagboto ng kababaihan. Bunsod ng pangyayaring ito, nabuksan ang landas tungo sa mas malaking pagkakapantay-pantay at representasyon para sa kababaihang Pilipino.
Disyembre 14, 1937 naman nang maganap ang kauna-unahang halalan sa bansa kung saan kasangkot na rito ang kababaihan na bumoto at tumakbo sa mga pampublikong opisina. Dumaan naman ang ilang mga taon nang manalo ang unang babaeng pangulo sa Pilipinas na si Corazon “Cory” Aquino noong 1986 matapos ang EDSA People Power Revolution.
Mga Indikasyon ng Pagdiriwang na Ito
Ang pagkakaroon ng natatangi at partikular na selebrasyon para sa kababaihan tulad ng National Women’s Month ay isang implikasyon na namumuhay at umiiral ang gender equality sa ating bansa. Subalit sa kabila nito, hindi lamang dapat sa pagdiriwang nakikita ang pagsusulong ng gender equality, at hindi lamang din dapat na tingnan ang mga selebrasyong ito bilang pawang pagdiriwang. Nararapat lamang na isabuhay ito sa ating lipunan, may ginugunita man o wala.Mga Kababaihang Nagpamalas ng Angking Kahusayan
Maraming kababaihan sa ating kasaysayan ang nagpamalas ng kanilang natatanging maipagmamalaki. Kabilang na rito si Maria Orosa, siyang nagturo sa maraming kababaihan sa iba’t ibang probinsiya tungkol sa pag-aalaga ng mga manok, paghahanda ng masustansiyang pagkain, at marami pang iba. Higit sa lahat, siya rin ang babae sa likod ng ’banana ketchup’ na masarap ipares sa napakaraming Pilipinong putahe.Bukod kay Orosa, nariyan din si Agueda Kahabagan na una at natatanging babaeng rebolusiyonaryong heneral sa bansa. Ang kagitingang ipinamalas niya ay nagtulak sa maraming kababaihan noon. Kagaya ni Kahabagan, kinikilala rin ang kahusayan at kahabagan ni Trinidad Tecson nang mag-alaga siya sa mga sugatan Pilipino nang maganap ang Sandugo sa Biak na Bato.
Tunay na kahit saang larangan dalhin, ang kababaihan ay may ibubuga rin. Kaya sa buwan na ito, kilalanin natin ang kanilang mga gawa at araw-araw nating isulong ang papel ng bawat isa sa lipunan.