Precious Edquilane at Elgin Ryan Nilayan

Ngayong buwan ng mga mapaglarong damdamin, tanglawan ang pag-ibig sa lablab ng larong lahi!


Kandilang patay-sindi kung ituring ang relasyon natin sa ating mga mahal sa buhay. Nasisindahan ito sa tuwing sila’y ating nakakapiling, subalit napapawi sa oras na magkakalayong muli. Ngunit sa kaibuturan ng puso, hindi ito kailanman nagnais na bumitaw sa kamay ng minamahal—sadyang kailangan lamang dahil salat sa oras o wala nang mapagkakaabalahan.

Kaya sa pag-ilaw ng iyong cellphone, handog ang mga laro ng kahapon na nagbabalik ngayon upang bigyang-sindi ang pagbibigkis ng mga puso. Dahil minsan, ang ating malayong kasintahan, mga kaibigan at kapatid, o magulang na tila naglalaro lamang sa ating active contacts at mga sulok ng tahanan, isang laro lamang kasama tayo ang tanging hinahangad.


Ading ko, laro tayo ng piko

Isa sa mga pinakasikat na tradisyonal na laro sa Pilipinas ang piko. Kasama man ang buong pamilya o kapiling ang mga pinsan, puwedeng-puwede mo na itong subukan. Magkasabay niyong iguguhit ang mga kahong luluksuhan, at ihahagis ang bato sa itinadhanang patutunguhang aabutin mo gamit lamang ang isang paa. Kailangan mo lamang ng uling o tisa, binting ‘di natitinag, at kaunting basbas ni Kupido para iwas-disgrasya.


Lukso ng dugo'y damhin sa luksong tinik

Damang-dama ang lukso ng pagkakaisa sa larong ito sapagkat isang pamilya kayong maglalaro. Sa dalawang grupong magtutuos, bawat isa’y may magsisilbing nanay na siyang pinakamahusay tumalon, habang ang mga ka-miyembro niya’y tatawaging anak. Limutin muna ang physical touch bilang love language, ‘pagkat layunin mo ritong luksuhan ang magkapapatong na kamay ng kalaban nang hindi ito nababangga gamit ang anumang bahagi ng iyong katawan.


Langit o lupa? You choose, tropa

Kung may alam kang lugar na ‘sing lawak ng espasyo ng pusong puno ng pagmamahal, masayang maglaro ng langit-lupa. Takbo agad sa nakatataas na lugar kung ayaw mong pati rito, naghahabol ka. Ano, tropa, tataya ka ba?


Lagi't lagi sa patintero, tutungo sa 'yo

Hindi lahat ng hadlang, maanghang. Gaya ng laban sa patintero, kung saan may ngiti’t tawanang sumasalubong sa bawat brasong humaharang.  Binubuo rin ito ng dalawang koponan, layunin mo ritong malagpasan ang teritoryo ng katunggali nang hindi ka nila nahahawakan habang ika’y tumatawid. Gaya ng balanseng tiyempo ng nagwawaging pag-ibig, mahalagang balanse rin dito ang pokus at tulin.


Tara sungka, at sa aki'y bibilib ka

May mga pag-ibig na mas masarap namnamin sa tahimik na paligid. Ngunit, mas sasarap pa ito kung may sungkang lalaruin. Dalawa ang tambalan sa larong ito: tibok ng puso’t talas ng isip, at syempre, ikaw at ang taong itinuturing mong pag-ibig. Dalawa rin ang layon: Una, ang magkaroon ng pinakamaraming punglo sa iyong bahay (ang malaking butas sa dulo ng sungkahan). At ikalawa, ang manumbalik ang sigla ng pag-ibig sa iyong buhay.


Basta Chinese garter, talon tayo

Walang hindi nalalagpasan ang isang samahang nagmamahalan. Marahil nga'y hindi  makapangyarihan ang pagmamahal  dahil madiskarte ito. Tulad ng mga pangarap na pahirap nang pahirap abutin sa bawat taon, itinataas ang Chinese garter nang mas mataas sa bawat antas hanggang sa bumigay na mismo ang mga manlalarong lampasan ito. Puwedeng tumalon, apakan ang ligas, o umikot sa iba’t ibang posisyon. Ilan man sa grupo, isang talon kayo sa larong ito!


At hahanapin ang puso sa tagu-taguan

Ngayo’y masasabing ngang totoo na maraming itinuturo sa atin ang nakaraan na silang nagpapalakas sa atin sa kasalukuyan. Tanda mo pa ba noong paslit ka pa lamang at tumatakas sa siyesta para makapaglaro ng tagu-taguan? Dahil dito, natutunan nating hindi agad sumuko hangga’t hindi natin nahahanap ang tunguhin ng ating puso. Ano’t buhayin ang larong nakagawian? Baka sa puntong ito, makatagpo tayo ng mga mahahalagang bagay na nalimutan na nating nariyan pala—kagaya ng mga mahal natin sa buhay na napag-iiwanan na natin ng oras.

Gaano man kataas ang salansan ng mga tungkulin sa paaralan, kabuhayan, o sa mismong nananampal na reyalidad, ituring nating pinakamataas na katungkulan ang maging mapagmahal na anak, kapatid, kaibigan, o kasintahan. Mapagmahal, sa paraang mapagbigay ng mga makabuluhang sandali upang makapagkuwentuhan, kumain nang magkakasama, o makapaglaro ng patintero o sungka. Sa pagyakap sa mga laro ng lahi kapiling ang mga mahal natin, may isa pang tanglaw ng pag-ibig ang nagagawa nating sindihang muli—ang pag-ibig sa ating kultura at likas na mga pagpapahalaga bilang mga Pilipinong puno ng pagmamahal.