Obiena, bigong maibida ang bagsik sa World Indoor Championships
Welsh Kendrick Osorio
Makaraang ikubra ang back-to-back gold medal finishes sa magkasunod na indoor event, agad itong nabawi nang maunsyami ang kaniyang paghahari.
Makaraang ikubra ang back-to-back gold medal finishes sa magkasunod na indoor event, agad itong nabawi nang maunsyami ang kaniyang paghahari.
Photo Courtesy of Rappler |
Humulagpos sa palad ni World No. 2 Ernest John Obiena ang hangad na gintong medalya matapos mahulog sa ikasiyam na puwesto sa bisa ng 5.65 meters mark sa World Athletics Indoor Championships sa Glasgow, Scotland, Marso 4.
Kinapos si Obiena na irehistro ang 5.85 meters at 5.90 meters output, dahilan upang mabitin sa pagkamkam ng tatlong magkasunod na ginto.
Maagang nagpasabog sa simula ng taon ang tubong Tondo makaraang tapyasin ang 5.83 meters new meet record sa Memorial Josip Gasparac sa Croatia noong Pebrero 21.
Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Filipino pole vaulter nang magkasa siya ng panibagong 5.93 meters Asian indoor record sa ISTAF Berlin sa Germany, tatlong araw matapos ang kaniyang buwena manong kampeonato.
Samantala, pinagpag ng World No. 1 na si Armand Duplantis ng Sweden ang kaniyang early struggles para depensahan ang kaniyang trono sa indoor event sa bisa ng 6.05 meters jump.
Nang mapatid sa bingit ng premature exit matapos ang magkasunod na foul sa 5.85 meters, namituin si Duplantis upang masungkit ang ginto kontra kay Sam Kendricks ng USA na kinalawit naman ang pilak tangan ang 5.90 meters output.
Nagpakitang-gilas naman si Emmanouil Karalis ng Greece para iukit ang 5.86 meters mark at tuhugin ang tansong medalya.
Sa kabilang dako, bumulusok ang 22-anyos Fil-Spaniard stalwart na si John Cabang Tolentino upang magtala ng 7.72 seconds mark at masungkit ang semis berth sa men's 60 meter hurdles event.
Gayunpaman, kinulang ito sa pag-angkin ng finals ticket sa kabila ng mas maagang 7.68 seconds output.
Samantala, nagtapos naman sa ika-21 na puwesto ang Fil-American national record holder na si Lauren Hoffman sa women's 400 meters event makaraang pumoste ng 54.66 seconds mark.