Angelee Kaye Abelinde

Mistulang pabrika ng misohinyang kaisipan ang patriyarkal na lipunan. Tila ba sapilitang ipinaaamoy ng ibinubuga nitong usok ang paniniwalang hindi kaya ng babae ang mga trabahong kinikilala lamang para sa kalalakihan. 


Ayon nga sa Asian Development Bank, nahaharap ang kababaihan sa malawakang diskriminasyon. Nasanay na kasi ang ilang kasapi ng ating lipunan na palaging pagsarhan ng pinto at pagpinidan ng bintana ang kababaihan upang hindi paunlakan ang kanilang kakayahan at karapatan.

Subalit, iguhit man sa labas ng pabrikang ito ang linyang naglilimita sa kababaihang makapasok sa mundo ng lakas-paggawa, buong-tapang itong binubura at tinatapakan ng mga nakatakong na paa. Binubuo ng kababaihan ang 47 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga manggagawa sa bansa, ito ang ipinakikita sa tala ng National Economic and Development Authority (NEDA) noong 2018.

Kahit pa ito’y gawin sa pamamagitan ng pagpapatupad ng polisiya, pagpapatayo ng establisyimento o pagmamaneho ng dyip; kayang makipagsabayan ng kababaihan at patuloy pang umabante – patunay na hindi kailanman maaaring guhitan kung hanggang saan lamang ang kahulugan ng salitang “babae”. 


Lady Guard: Pagpapaluwag sa Higpit ng Patriyarkal na Polisiya

“Kung kaya ng lalaki, kaya rin ng babae siyempre,” ito ang paalala ng 42 taong gulang na si Ate Yam, isang security guard simula pa noong 2012 at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang institusyon sa Legazpi City, Albay.

Maituturing bilang tradisyunal na panlalaking trabaho ang pagiging isang security guard. Sa katunayan, ayon sa resulta ng pag-aaral na isinagawa ng Central Luzon College of Science and Technology Inc., nakasaad na tinatayang nasa walong porsiyento lamang ang bilang ng mga kababaihan sa nasabing hanapbuhay.

Sa loob ng 12 taong pagtatrabaho ni Ate Yam, aminado siyang hindi talaga maiiwasan ang diskriminasyon dahil sa kaniyang pagiging isang babae.

“Na-experience ko no’ng nag-apply ako tapos in-interview ako almost one hour. Sabi sa akin, mahina raw ang loob niya pagdating sa mga babae. Malakas daw para sa kaniya ang lalaki. Pero dahil naipasa ko naman ‘yong interview, tama naman ‘yong mga sagot ko, kaya natanggap pa naman ako,” kuwento niya.

Dahil nasa larangan ng pagpapatupad ng mga patakaran, nakasanayan na sa mga guwardiya ang pagiging seryoso, macho, istrikto at palaging galit. Ngunit, hindi ito ang palaging mapapansin kay Ate Yam na dala-dala pa rin sa trabaho ang likas niyang pambabaeng katangian gaya ng malumanay na pananalita, palabirong pakikipag-usap at palangiting ekspresyon ng mukha.

Sa kabila nito, masasalamin sa kaniyang matagal nang pagtatrabaho na hindi nawawalan ng awtoridad si Ate Yam at maayos pa ring nakapagpapatupad ng mga polisiya. Patunay nito ang kaniyang hindi malilimutang alaala sa dating hotel na kaniyang pinagtrabahuhan.

“Nakikidiskusyon ‘yong isang may mataas na posisyon na kukunin niya na raw ‘yong gamit sa lost and found. Eh, kaso bawal nga kasi may policy. Tapos nagalit siya sabi niya ‘Security guard ka lang!’ Talagang dinuro-duro niya ako. Tapos napaiyak ako kasi napakasama talaga ng pagkakasabi niya,” kuwento niya.

“Pero natuwa ako kasi dahil sa pangyayaring iyon, mas na-appreciate ako ng boss ko. Sinusunod ko raw talaga ‘yong policy at hindi ako nagpapadala sa intimidasyon,” dagdag pa niya.


InhinyERA: Pagtatag ng Pundasyong Makakababaihan

Tulad ng security guard, isang trabaho ring dinodomina ng kalalakihan ang propesyon ng  engineering. Ayon sa Harvard Business Review, binubuo ng mga babae ang 20 porsiyento ng mga nagtatapos sa propesyong ito, subalit hindi nagpapatuloy o kaya’y umaalis sa larangan ang 40 porsiyento ng naunang bahagdan.

Pagdating naman sa electrical engineering, nasa anim na bahagdan lamang ang kababaihang nagtatrabaho sa larangang ito sa buong mundo batay sa tala ng CareerSmart Organization. Sa kabila nito, hindi maituturing na kababaan ang pagiging isang babae sa naturang trabaho, ayon kay Engr. Marian Marquez-Daquiz, 12 taon ng electrical engineer.

“Hindi mahirap ang maging isang babaeng engineer. Bagkus ay may mga kalamangan. Bilang isang babae, nakikinig ang mga kapwa ko inhinyero na lalaki at [binibigyan ako ng kalayaang makapagsalita] at makapagbigay ng sariling opinyon,” pahayag ni Engr. Marquez-Daquiz.

Malaki rin ang papel na kanyang ginampanan sa pagpapatayo ng pinakamalaking Hotel & Casino Resort sa Manila na tinatawag na Okada. Aniya, kinailangan ng mental at teknikal na kakayahan upang masolusyunan ang mga hamon na kanilang hinarap kasabay ng konstruksyon. Ngunit sa huli, napagtagumpayan pa rin nila ito.

Malaki ang gampanin ng kababaihan sa anumang uri ng propesyon. Kaya ang masasabi niya sa mga taong hindi nakikita ang kahalagahan ng kababaihan sa mga trabahong dati’y ‘panlalaki’ lamang: 
“Wala silang balls. ‘Yon ang mga taong walang kapasidad at takot na maungusan sila ng kababaihan. Normally, ‘yon ‘yong mga tao na may self-inferiority at hindi confident sa kanilang sarili.”


TsuperWoman: Pagpasada Tungo sa Inklusibong Lipunan

Hindi lamang sa pagpapatayo ng establisyimento naisesemento ng kababaihan ang kanilang galing at husay. Minamaneho na rin ng mga babae pati ang ginagalang na larangan ng paghahatid ng pasahero sa kani-kanilang destinasyon. Halimbawa nito si Hanna Magadia, isang 21 anyos na estudyante sa Batangas City.

Sa panayam sa kaniya ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, kaniyang ibinahagi na katuwaan lamang sana ang pagpasada ng dyip, hanggang sa nagustuhan niya na rin ito bilang hanapbuhay upang masuportahan ang kaniyang pag-aaral. Pinasok na rin ni Hanna pati ang pagmemekaniko at welding.

Namamangha at naninibago ang mga pasaherong nakakakita kay Hanna sapagkat karaniwang lalaking tsuper lamang ang makikita sa harap ng manibela. Nananatili pa rin kasing mababa ang bilang ng mga babaeng nakikibahagi sa pagmamaneho ng pampasaherong transportasyon ayon sa World Bank.

Ngunit hindi naging hadlang para kay Hanna ang naturang pamantayang panlipunan, patuloy pa rin ang kaniyang pagmaneho at pagpasada patungo sa pamayanang mas bukas at mas kinikilala ang kakayahan ng kababaihan.


Pag-alpas sa Idiniktang Hangganan

Ilan lamang sina Ate Yam, Engr. Marquez-Daquiz at Hanna sa kababaihang patuloy na binubura ang linyang iginuhit ng patriyarkal na lipunan. Patunay ito na hindi hadlang ang kasarian sa anumang uri ng trabaho.

“Gender-inclusive na ang mga trabaho ngayon sa Pilipinas. Hangga’t ang babae ay may kapasidad na gawin ang isang trabaho, maaari niyang mapagtagumpayan ang mga industriya na noon ay para sa mga kalalakihan lamang,” saad ni Engr. Marquez-Daquiz.

Totoong mas naging maluwag na ngayon ang dating mahigpit na guwardiya ng patriyarkal na lipunan, mas naging matatag na rin ang pundasyong itinatag ng mga inhinyerang nagsulong ng karapatan ng kababaihan, at malayo-layo na rin ang iniusad ng biyahe patungo sa mas mulat na pamayanan – subalit ang “malayo na” ay maaari pa ring sabihing “malayo pa”.

Tulad ng naranasang diskriminasyon ni Yam, maaamoy pa rin ang paunti-unting salaulaing usok ng patriyarkal na pabrika. Posible pa rin naman itong maapula – kapag tinigil na ang pagproseso’t pagyari ng mga kontra-kababaihang produkto’t kaisipan; na magbibigay ng kalayaan sa kababaihang patuloy pang umalpas sa mga idiniktang hangganan.