Huwad na Kalayaan: Ang paglubog ng Soberanya sa Dagok ng Manlulupig
Sean Caguiwa
Sa bawat himig at pagkumpas ng "Lupang Hinirang” habang ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan ngayong ika-12 ng Hunyo, hindi maikakaila na ang mga bayaning nagtaguyod ng ating soberanya laban sa mga manlulupig ang siyang dahilan kung bakit natatamasa ng taumbayan ang biyaya ng kalayaan ngayon.
Ngunit, sa kabila ng pagdiriwang nito, pilit na binabalik ang alon ng karahasan at ang paghampas ng panganib sa dalampasigan ng ating baybayin, lalo na sa mga mangingisda na lantarang inaapi at niyuyurakan ang mga karapatan sa ginagawang pag-angkin ng Tsina sa West Philippine Sea (WPS).
Kalakip ng nalalapit na pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, lingid sa kaalaman ng nakararami na ang bansa ay patuloy na nangangamba sa nagbabadyang banta ng kaguluhan dulot ng isyung ito. Sa tuwing napababalitang binobomba ng tubig ang mga mangingisda mula sa dambuhalang mga barkong pandigma ng Tsina, hindi pa rin mawala-wala ang mantsa sa isip ng ilan kung ano ang kahihinatnan ng bansa kung sakaling sakupin na nang tuluyan ang teritoryo na kanilang inaako.
Gayunpaman, sa bawat araw na nagdaraan, naghahari pa rin ang pagmamahal ng mga Pilipinong patuloy na ipinaglalaban ang kanilang karapatan sa bawat pulo sa pagsalubong ng bukang liwayway. At sa bawat isa sa 7,641 na isla ng arkipelagong ito, ang tibok ng puso ng bawat Pilipino ay sumisigaw ng kalayaan at karangalan.
Pagpalaot ng Alitan
Nagsimula ang nakalulunod na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Tsina nang akinin ng Tsina ang West Philippine Sea sa pagsasabing ito ay tinatawag na “South China Sea.” Lalo pang naglayag ang alitan na ito noong Abril 2012 kasunod ng naval standoff sa Scarborough Shoal, ayon sa Foreign Service Institute ng bansa.
Sa harap ng isyung ito, nagpasya ang Pilipinas na maghain ng kaso sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) noong Enero 2013 na hinahamon ang legalidad ng nine-dash line claim ng Tsina sa West Philippine Sea, na isang representasyon ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. Matapos ang mahabang proseso, nagdesisyon ang arbitral tribunal na paboran ang Pilipinas sa karamihan ng mga pahayag nito.
Bagamat hindi saklaw sa pasyang ito ang usapin ng soberanya ng Pilipinas, nilinaw naman ng tribunal na ang pag-angkin ng Tsina sa loob ng nine-dash line ay walang legal na bisa, maliban kung ito ay naaayon sa UNCLOS.
Sa kabila nito, mariin pa ring pinabulaanan ng Tsina ang hatol ng UNCLOS. Dahil dito, lalong lumala ang sitwasyon na nagresulta sa alitan ng dalawang bansa na siyang nagdulot ng karahasan, pagkait ng teritoryo, at paghihirap sa mga mangingisdang mapayapang naghahanap ng kabuhayan.
Kung subukan man nilang lumaban para sa kanilang karapatan, ang mga mangingisdang Pilipino ay hindi pa rin makadedepensa nang patas dahil ang kanilang munting mga bangka ay kayang hagupitin ng naval ships na may kakayahang lunurin ang kanilang pwersa gamit ang mga kanyon ng tubig.
Sa harap ng mga insidente ng pang-aapi ng Tsina, nagpakita ang ilang mga Senador ng kanilang pagtutol sa dinaranas ng mga Pilipinong mangingisda sa Tsina.. Isang halimbawa na lang nito ang pagbatikos ng mga Senador sa China Coast Guard (CCG) dahil sa pang-aagaw at pagsasabasura nito sa mga pagkain na dapat sana para sa mga sundalong Pilipino sa Ayungin Shoal.
"Kasuklam-suklam rin ang pagharang nila sa serbisyong medikal ng mga sundalo and callous," ani Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.
Lumutang din ang pagpapaigting ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa layunin niyang solusyunan ang alitan nang idiin niya na dapat maresolba ng dalawang bansa ang naturing isyu sa pamamagitan ng diplomasya.
Ito ay kaniyang inilantad sa pangunahing talumpati sa ika-21 edisyon ng International Institute for Strategic Studies (IISS) Shangri-La Dialogue sa Singapore, kung saan pumaibabaw ang kaniyang mungkahi na mali ang ginagawa ng Tsina, at inaagrabyado ang batas, nagdudulot ng tensyon, at kinakalimutan ang kapayapaan at seguridad ng Pilipinas.
"Illegal, coercive, aggressive, and deceptive actions continue to violate our sovereignty, sovereign rights, and jurisdictions. Attempts to apply domestic laws and regulations beyond one's territory and jurisdiction violate international law, exacerbate tensions, and undermine regional peace and security," saad ng Presidente.
Sinabi rin ng Pangulo na mungkahi niyang harapin at pamahalaan ang mga mahihirap na isyu kagaya ng alitang ito sa pamamagitan ng usapan at diplomasya, na kasalukuyang ay nagtugma sa konstitusyonal na kaayusan.
"But despite all this, the Philippines remains committed to the cause of peace upon which our constitutional order is premised. We are committed to addressing and managing difficult issues through dialogue and through diplomacy,” dagdag ni Marcos
Pagkahuli sa ilalim ng Imperyalismo
Kahit iniisip ng ilang Pilipino na hindi nag-iisa ang bansa sa pagtatanggol ng karapatan nito dahil nasa likod natin ang Estados Unidos (US), simula’t sapul pa lamang, mayroon ng banta na imbes na maibsan ang pang-aalipusta ng Tsina sa Pilipinas, maaaring lalo lang magalit ito dahil sa pakikialam ng US. Sapagkat posibleng gawin din ng Tsina ang pagtuligsa nito sa tulong militar ng US sa Taiwan.
Kung sakali na dahil sa balikatan ng US at ng ating bansa ay magdulot ng agresyon mula sa Tsina, maiipit lamang ang Pilipinas sa pagitan ng dalawang higanteng bansa na may mas malakas na pwersa militar, intelehente, tauhan, at koneksyon.
Hindi lang din basta-bastang pagkaipit ng Pilipinas sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina ang maidudulot ng ganitong sitwasyon, kung hindi, patunay lang na bilanggo pa rin ang ating bayan sa hawla ng kolonyalismo. At sa halip na matamasa ng bansa ang ganap na soberanya, biktima lang ito ng agawan ng teritoryo at posibilidad na maging "collateral damage" sa alitan ng dalawang imperyalistang bayan.
Habang nahaharap ang Pilipinas sa tensyon na ito, hindi rin maaaring tuluyan na lang na umasa ang bansa sa US, dahil tulad ng Tsina, may sarili rin silang interes. Dahil kung sumiklab man ang digmaan, ang US ang unang makikinabang dahil tiyak na sa kanila tayo aangkat ng mga armas. At bukod dito, tataas ang kanilang impluwensya at kontrol sa rehiyon, lalo na kung magiging sentro ng operasyong militar ang ating bansa.
Lulutang bang muli ang Kalayaan?
Kahit ang iba ay naniniwalang ligtas pa rin ang soberanya o simpleng dagat lamang ang WPS, maaaring nakaliligtaan na ng masa na ito ay maaaring magsilbing simula ng panghihimasok ng isang bansa na muling magdadala sa Inang Bayan tungo sa mapait na alaala ng kolonyal na pamumuno ng Espanya.
Habang ang iba ay tila nilulunod na lang sa limot ang pagmamahal sa bansa, ang nasyonalismo ay nananatiling buhay at lumalayag kasabay ng pag-ikot ng motor ng mga bangka na parte ng Atin ‘To coalition umalis sa Zambales para magsagawa ng isang sibilyan na ekspedisyon sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na naging paraan para ipahayag sa pamamagitan ng protesta ang karapatan ni Juan.
“The primary objectives of the mission are to conduct a ‘peace and solidarity regatta’ within our EEZ, during which symbolic markers/buoys emblazoned with the rallying cry ‘WPS, Atin Ito!’ (WPS is ours!) will be placed to reinforce our country's territorial integrity,” saad ni Atin Ito co-convenor at Akbayan president Rafaela David.
Kahit anong tapang pa ang ipakita ng mga Pilipino, hindi ninais ng taumbayan na magkaroon ng digmaan kailanman–at dahil dito, kahit ang bansa na ang nasa tama, kailangan pa rin nitong kilatasin ang bawat pasya bago pa isagawa, dahil kung hindi, baka ang kalayaan mismo ang kitilin ng Tsinang may higit na mas malakas na pwersa-militar.
Kasabay ng bawat balitang umuusbong, hindi maiiwasan ang takot, pangamba, at pagsamo sa nagbabadyang karahasan na maaaring idulot ng kabilang panig. Ngunit imbis na magpalusob at hayaan na lamang na isiwalat ng kalaban ang kanilang kasakiman, ang Pilipino ba’y dapat na lang magpalusob?
At sa kahit ano mang kumpas, himig, o pagsagisag sa watawat ngayong araw ng kalayaan, hindi na lamang ito basta selebrasyon ng mga nakamit ng mga ninuno, kung hindi, simbolo na ito ng kung ano ang gagawin ng Pilipino upang mapanatili ang soberanya ng Inang Bayan. Mula sa mga isla hanggang sa karagatan, ang Pilipinas ay palaging malaya, sapagkat ang pagmamahal sa bayan ay bahagi ng pagkakakilanlan mula pa noong isinilang sa lupang hinirang, sa perlas ng silanganan. At sa anumang hamon o pang-aapi kailanpaman ay sa manlulupig, ‘di pasisiil.
.