Kenjie-Aya Oyong

Makalipas ang anim na taon, ipinagmamalaki kong nakapagtapos na ako ng sekondarya. Hindi ko maiwasang magmuni sa mga narating ko sa kabuuan ng aking buhay hayskul. Paano nga ba ako nakaabot sa puntong ito? Academic achiever, malayo ang narating, at sabi pa ng iba kong guro, “may iiwanang legasiya.” Sa unang tingin, masasabi kong dahil ito sa anim na taon kong pagsusumikap sa aking pag-aaral, pero may bahagi rin dito ang pagkakaroon ko ng sapat na pribilehiyo. At ang balanse ng dalawang iyon ang siyang susi upang makaangat sa buhay.


Nang una akong umapak sa aking alma mater pagsapit ng high school, pansin ko na agad ang tila ba mga pribilehiyadong tao na magiging ka-batch ko noon: mayaman, nanggaling sa private school, at nag-e-enroll sa mga mathematics education programs. Idagdag pa na science high school ang pinasukan ko, lahat sa kanila ay magagaling at matatalino. Ang nasa isip ko noon, kailangan kong magsumikap nang magsumikap para makasabay ako sa kanila, kasi wala naman akong ganoong klaseng pribilehiyo.

Ang akala kasi ng noo’y inosenteng ako, panalo na ako sa buhay kapag pribilehiyado ako. Kung mayaman ako, hindi ko na poproblemahin ang mga pinakasimple kong pangangailangan tulad ng pagkain, matitirhan, at edukasyon. Makakapag-aral ako sa prestihiyosong paaralan na siyang magbubukas sa akin ng pinto para sa mas marami pang oportunidad. Ang problema, hindi naman daang-libo ang kita ng magulang ko buwan-buwan. Kaya wala akong choice kundi tahakin ang mas mahirap na daan.

Nakita ko kung paanong nasasalang na agad sa mga pangrehiyon at pambansang patimpalak ang mga ka-batch ko noong grade 7 pa lang kami. Kinumbinsi ko pa nga ang sarili ko na sadyang bunga lang iyon ng pagiging priviledged nila: nabiyayaan ng talino, mayaman, nagku-Kumon at kung ano pa. Para bang inuuto ko na lang ang sarili ko sa paniniwalang makakarating din ako diyan basta araw-araw lang akong magsisipag sa pag-aaral ko.

Pero mali ako ng akala na matutumbasan ng mas matindi pang pagsisikap ang hindi pagkakaroon ng pribilehiyo. Mayroon akong kaklase na napakahusay sa Mathematics. Araw-araw, dumadalo siya sa mga training para sa mga tinuturing ng paaralan na “Math wizards.” Sa sobrang talino niya sa larangang iyon, puwede na siyang ipambato sa Philippine Mathematical Olympiad. Pero napilitan siyang umalis sa paaralan, na punong-puno ng oportunidad sa mga ganoong klase ng patimpalak, dahil hindi niya kaya ang pamasahe araw-araw papasok at pauwi. 

Dumating ang pandemiya, at doon pa lalong nagkasubukan ang mga may pribilehiyo at ang mga kailangang magsumikap nang magsumikap. Hindi naman lingid sa lahat kung paanong may mga taong pinagkakaitan ng pagkakataong makapasok sa online na klase dahil kulang-kulang sa gadget at walang maayos na internet connection. Kahit na anong sipag ng isang estudyante sa pag-aaral, nalilimitahan ang kaniyang potensiyal dahil hindi pumapabor sa kaniya ang pagkakataon. Masaklap lalo na at hindi niya kontrolado ang bagay na iyon. Kaya nga hindi ko rin masisisi ang iba na nagsasabing ang edukasyon ay isang pribilehiyo.

Pagtungtong ko ng grade ten, isang araw ay nag-message sa akin ang isa kong guro. Inimbitahan niya akong sumali sa isang robotics competition. Nabuhayan ako sa pagkakataong iyon dahil iyon ang matagal ko nang pinakahihintay. Tinanggap ko ang hamon, at doon nagsimula ang sunod-sunod na pagdating ng mga oportunidad na makasali sa iba’t ibang mga patimpalak.  Mula sa Tagisang Robotics Competition (TRC) ng Department of Science and Technology (DoST) hanggang sa ExplainedPH Online Press Conference. 

Nagtuloy-tuloy iyon hanggang senior high school, kung saan naging kinatawan ako ng paaralan sa Division hanggang Regional Schools Press Conference (RSPC) sa loob ng dalawang taon, at naging participant rin ako at ng team ko sa Philippine Robotic Olympiad (PRO). Naging contestant din ako ng AMA Brains Olympiad kung saan nakamit namin ang ikalimang puwesto.

Kaya para sa akin, may ambag pa rin ang pagkakaroon ko ng sapat na pribilehiyo: para makapasok sa paaralang pinapasukan ko; para malampasan ang hamon ng pandemiya at online class; at para maimbita ng mga guro na sumali sa iba’t ibang patimpalak. 

Maaring taliwas ito sa iniisip ng ilan, pero bihira ang nakakarating nang malayo nang dahil lang mismo sa hard work. Dahil kung makakaahon lang sa buhay ang isang tao kung magsusumikap lang siya nang magsusumikap, matagal na sanang umunlad ang buhay ng mga mahihirap na araw-araw nagbabanat ng buto upang mabuhay sa araw-araw. Pero wala silang pribilehiyo dahil sa mapaniil na sistema ng lipunan. Walang saysay ang walang humpay na pagkakayod ng isang tao, kung ang pag-unlad ng lagay ng kaniyang pamumuhay ay hindi naman nakasalalay sa kaniyang mga kamay.

Ngunit dapat malaman ng ilan na ang pribilehiyo ay hindi tulad ng isang suwerte na basta na lang lilitaw mula sa kawalan, dahil kaya itong ipagkaloob ng isang entidad—halimbawa, ang pamahalaan.

Sa kaso ko at ng mga kapwa ko mag-aaral, makakatulong ang iba’t ibang programa ng pamahalaan upang masiguro na nabibigyan ang mga nangangailangan ng sapat na tulong. May mga magagaling at mahuhusay na estudyante na kailangan ng tulong pinansiyal upang makapag-aral. Kaya nariyan ang ilang mga financial assistance ng pamahalaan tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at mga pampublikong scholarships mula sa DOST at Commision on Higher Education (CHED).

Mahalaga rin na masuportahan ng lokal at pambansang pamahalaan ang mga patimpalak sa larangan ng sipnayan, agham, pampalakasan, pamamahayag, at marami pang iba upang masiguro na ang mga umaangat sa ganitong larang ay mabibigyan ng sapat na pribilehiyo at pagkakataon upang ipamalas ang kanilang galing.

At sa kabuuan, mga proyekto at programa lang din ng pamahalaan ang kailangan ng mga nasa laylayan ng lipunan na araw-araw nag-aalay ng dugo at pawis upang mabuhay. Iyon ang magsisilbi nilang pribilehiyo upang makaalis sa siklo ng kahirapan, isang pagkakataon upang masigurong ang sunod nilang pagbabanat ng buto ang mag-aahon sa kanila mula sa pagkakalugmok.

Kung tutuusin, hindi naman ibig sabihin na pribilehiyado ay mas angat ka na sa iba. Sa huli, balewala lang din ang pribilehiyo kung hindi sasamahan ng gawa. May mga kilala akong iba na hindi napagtanto ang responsibilidad na kaakibat ng kanilang pribilehiyo. May ilan na nakitaan na ng potensiyal sa simula pa lang, nasa kanila na ang kakayahan at kagamitan para maging mahusay na mag-aaral, pero bumagsak dahil tinamad at hinayaan lang na dumulas sa kamay nila ang oportunidad.

Sa biyahe ng buhay, pribilehiyo ang magsisilbing sasakyan at pagsusumikap ang magsisilbing gasolina. Hindi natin makakamit ang tagumpay kung wala ang isa. Tulad ko na hindi masusungkit ang lahat ng medalya at tropeyo na aking nakamit kung hindi ako nagkaroon ng pribilehiyong makapag-aral sa pinapasukan kong paaralan, at kung hindi ako nagsikap na maging isang mahusay na mag-aaral. Lahat tayo ay makakaangat sa kaniya-kaniya nating lagay, basta mayroon tayo ng dalawa, at alam natin ang tamang timpla.