Alas Pilipinas tiklop sa Vietnam, sibak sa 2024 Women’s FIVB
Josel Sapitan
Natuldukan nang maaga ang kampanya ng Alas Pilipinas sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup matapos ma-dispatsa ng World No. 34 na Vietnam, 3-0, nitong ika-lima ng Hulyo sa Ninoy Aquino Stadium, Manila.
Ginapi ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup MVP Nguyen Thi Bich Tuyen ang bentahe sa knockout quarterfinals nang pamunuan ang opensiba ng Vietnam na bumandera ng 30 puntos (27 attacks, three blocks).
Kinapos ang hometown bets na higitan ang baong baraha ng mga dayuhan nang pabagsakin ang tambalan nina PVL MVP Sisi Rondina at UAAP MVP Angel Canino na may 27 combined points sa mismong kartada.
“I’m very proud of the girls because I really saw that everyone fought for every point, and until the end, we all gave our best,” saad ni Alas captain Jia de Guzman na nag-ambag ng limang excellent sets sa kabila ng 105 attempts.
Ani head coach Jorge Souza de Brito, hindi naging madali sa koponan na makasabay matapos ang mababang kumpyansa nina two-time UAAP MVP Bella Belen at PVL All-Filipino Finals MVP Jema Galanza na naglatag lamang ng dalawang puntos.
“In terms of experience, we’re still lacking, but we know that we’ll get there eventually, so we’ll give whatever we can give and learn from every game, just keep on taking lessons, win or lose,” ani de Brito.
Pinadama ng Vietnam ang kanilang dominanteng ratsada matapos panatilihin ang kalamangan sa kanilang panig at hindi hinayaang makalamang ang Pilipinas na higit sa isang nagmula pa sa 1-0 opening frame sa first set, 25-14.
Naunsyami pa ang comeback run ng Alas na sinubukan apulahin ang dalang mainit na opensa ng Vietnam nang maitabla nila sa 14-all ang talaan sa second set.
Malaking dagok sa bansa ang pagpasok ni star player Thi Thanh Thuy Tran o mas kilala bilang "T4" na nagbigay ng kakaibang momentum para sa Vietnamese na nagbabalik mula injury at naglista ng dalawang puntos.
Tinangka ng national team na baliktarin ang kapalaran nang maidikit ng koponan ang iskor sa 23-22, ngunit na double-trouble sa service line si Canino at crucial block ni Nguyen Tuyen sa atake na pinakawalan ni Fifi Sharma dahilan upang maisara ang yugto.
Tangan ang dalawang sets, muling rumagasa ang Vietnam sa huling yugto gamit ang 8-2 sa kanilang hanay at dahil sa presensya ni Nguyen na tinulak ang apat sa limang puntos ng Vietnam sa crunch time sinelyado ng koponan ang malinis na panalo, 25-21.
Nabigo man ang Alas Pilipinas, arangkada ang koponan sa SEA V-League sa darating na Hulyo 16, habang uusad naman ang Vietnam sa semifinals at makakatapat ang World No. 16 na Czechia matapos walisin ang Argentina sa naturang araw.