Patrick Pasta

Namayagpag ang Gilas Pilipinas women’s team sa 2024 FIBA U18 Women’s Asia Cup Division B finals matapos isalpak ang 95-64 dominasyon kontra Lebanon upang tuluyang silatin ang Division A promotion sa ginanap na tunggalian sa Futian Sports Park, Hunyo 30.

Photo Courtesy of FIBA Basketball.

Matatandaang lumapag sa ikatlong puwesto ang Gilas girls sa parehong torneyo nitong 2022 matapos sibakin ang koponan ng Samoa, na siya ring nilagpasan ng una sa semis, 71-47, upang angkinin ang tiket sa finals ngayong taon.

Nakaalpas mula sa 20-all iskor sa second quarter ang Gilas girls gamit ang mga tres ni Alyssa Kate Rodriguez, at sa tulong na rin nina Alicia Margarett Villanueva at Naomi Natalie Panganiban, upang itarak ang 53-26 iskor sa halftime.

Nagpaulan ng three-ball party ang Pilipinas sa pamumuno ni Rodriguez na kumana ng 17-0 scoring run sa first half ng sagupaan, kabilang ang limang three-pointers.

Pinamaga lalo ng Pinas ang sugat ng Lebanon sa nakaraang first half gamit ang solidong opensa sa ikatlong yugto ng laro matapos pumoste ng three-pointer si Jolzyne impreso upang dalhin ang iskor sa 72-32.

Sinalpak naman ng Gilas girls ang 41-puntos score difference mula sa isa pang tres ni Panganiban sa huling yugto ng laro, 89-48.

Tuluyang diniskaril ng Pilipinas ang Lebanon matapos tuldukan ang tunggalian, 95-64, at iwagayway ang malinis na 4-0 win-loss rekord sa torneyo.

Pinangunahan ni Rodriguez ang score haul ng Gilas girls matapos maglista ng 22 puntos na sinundan ni Villanueva at Panganiban ng respektibong 15 at 13 na puntos.

Sa kabilang banda, binitbit naman ni Reem El Ghali ang koponan ng Lebanon gamit ang kanyang double-double performance na nagpaskil ng 31 points at 15 rebounds, habang umambag naman ng 19 points si Maygen Naassan, kabilang ang 9 rebounds at 6 assists.

Bunsod ng panalo at promosyon, kahanay na ngayon ng Pilipinas sa Division A ang mga powerhouse teams tulad ng Australia, China, Japan, at New Zealand.