Jerwen Kiev Del Cano

Tuwing naririnig natin ang salitang ‘politiko,’ sumasagi sa ating isipan ang mga katagang ‘korap,’ ‘doble-kara,’ ‘trapo,’ o iba pang nakababagabag na pagpuna. Dumaan man ang maraming taon at taong nabigyan ng pagkakataon na makaupo sa puwesto, bihira pa ring mailalarawan sa ating isipan ang tunay na imahe ng isang modelong tagapaglingkod na ‘tila ba nasanay na lamang tayo sa mga nagdaang “tagapagmuno.” Kung kaya, kung ikaw ang tatanungin, para sa iyo, ano ang pagkakakilanlan ng isang tunay na politiko?


Sapat na ba upang sabihin na popular ang isang kandidato sa komunidad? Kesyo kagiliw-giliw ang personalidad, magaling magsalita at mas malakas ang dating kung ihahambing sa ibang kumakandidato, o hindi kaya nagpapadala ka na lamang sa mga suhestiyon at mungkahi ng iyong mga kapamilya o kakilala.  

Ngayong  Mayo 12, nasa sa kamay ng bawat botante na piliin ang tagapaglingkod na handang magserbisyo para sa bayan at mamamayan. Bilang gabay sa pagpili, narito ang 12 na utos para sa matalinong pagboto: 

Dapat kwalipikado 

Dapat sa simula pa lamang, alam na ng tumatakbong lider ang kanyang pinapasok. Hindi biro ang pagsali sa politika, kailangan ng matalas na pag-iisip at kakayahan na gawin ang tungkulin sa loob at labas ng tanggapan. Mula sa simpleng paghahanda at pagsusumite ng mga papeles at dokumento, hanggang sa pag-organisa ng mga malalaking proyekto para sa kapakanan ng lahat, kaakibat sa isang politiko ang halaga ng inisiyatibo’t serbisyo nito sa tao. Kung kaya, bilang isang wais na botante, maihahalintulad ito sa pagpili sa kung sino sa mga kumakandidato ang may tunay at pulidong resumé na naaangkop para sa posisyon na kaniyang inaaplayan.

Dapat matapang at makatarungan

Ang isang lider ay handa kang samahan sa iyong mga laban sa ngalan ng hustisya. Isang lider na kinasusuklaman ang kasakiman ng isang tao at nagsisilbing boses ng mga inaagrabyado. ‘Yung pinuno na walang pag-aalinlangang ipagtatanggol ka kontra sa mga sitwasyon o taong mapang-abuso at walang kapaki-pakialam sa kalagayan ng kahit kanino.

Dapat may transparency 

Importante sa isang tagapaglingkod ang sinumpaang katapatan nito sa mamamayang Pilipino. Ika nga sa wikang Ingles — transparent. Serbisyong walang kahit anumang tinatago at walang kahit anong bahid ng katiwalian. Isang lider na hindi binubulsa at winawaldas sa walang katuturan ang binabayad na buwis ng taumbayan at siyang ibinabalik  sa kanila ang serbisyong nararapat at matapat.

Dapat may pananagutan 

Habang paulit-ulit na nilulugmok ang bayan sa mga natatapong sumpaan, importanteng maintindihan ang kahalagahan ng isang pinunong hindi lamang tagapaghatid ng pag-asa, kung hindi nagbibigay  rin ng liwanag sa gitna ng dilim. Dahil para sa kanya, bawat salitang binibitawan ay mahalaga. Isang tagapaglingkod na nilalakad ang kanyang plataporma at walang kahit anong pangakong napapako. 

Dapat bukas sa diskurso

Katumbas ng paglingap ng isang magulang, kaibigan, o mahal sa buhay, lahat ay pinakikinggan at nadadamayan. Walang bahid ng anumang panghuhusga, ang tunay na politiko ay naiintindihan ang bigat at damdamin ng bawat reklamo’t pakiusap. Hindi niya sinasara ang mga ideya ng iba dahil lamang sa iba ang mga ito sa kaniyang pinaniniwalaan. Sa halip, sinisigurado niyang umuunlad ang diyalogo at dumadaloy ang isang malusog na pag-uusap. 

Dapat pantay ang tingin sa lahat 

Kinikilala ng isang tunay na tagapaglingkod ng bayan na ang katungkulan para sa publiko ay hindi isang trono, kundi isang responsibilidad. Iginagalang niya ang bawat nasasakupan, mayaman man o mahirap, kaalyado man o hindi. Kaya niyang gabayan ang sarili upang kilalanin ang mga pagkakamali at matuto mula sa iba. At pagdating sa pagdedesisyon, tinitimbang niya ang mga bagay batay sa layunin, kahalagahan at epekto nito.

Dapat matatag

Sa panahon ng krisis o sakuna, siya ay isang parola na handang magbigay ng liwanag at pag-asa sa kaniyang pinagsisilbihan. Na sa kabila ng anumang unos, mas uunahin niyang mabigyan ng katiyakan ang mga paghikbi at pagtangis ng mga pamilyang nawalan o  nawasak ang tahanan. Isang matatag na pinuno na umaangkop nang walang pagkokompromiso sa mga prinsipyo at positibong kalooban.

Dapat maasahan 

Ang serbisyong pampubliko ay hindi lamang isang part-time na trabaho. Sa larangan na ito, ang isang tunay na politiko — nagpapakita — hindi lang sa panahon ng kampanya, kundi sa bawat oras na kailangan siya. Siya ay naroroon sa panahon ng mga kalamidad, aktibo sa mga talakayan at tumutugon sa mga pangangailangan ng kanyang komunidad. Dapat  alam niya ang mga nangyayari at siya'y nagkukusa bago pa lumala ang isang problema — isang lider na maaasahan.

Dapat may alam 

Ang isang politiko ay hindi kumikilos ayon sa hula. Dapat siya’y  may sapat na kaalaman, lalo na kapag gumagawa ng mga desisyon na nakaaapekto sa kanyang nasasakupan. Maingat na pinag-aaralan ng isang tunay na tagapaglingkod ang mga isyu, nakikinig sa mga eksperto at ibinabatay ang kanyang mga aksyon sa katotohanan at datnos — hindi sa mga sa kung anong teorya o kuro-kuro. Sa pamamagitan ng isang malinaw na kaalaman sa parehong mga lokal na alalahanin at mga pandaigdigang suliranin, siya ay gumagawa ng maayos, may katuturan at napapanahong mga patakaran.

Dapat nakahihikayat 

Sa pamamagitan ng kanyang mga salita at kilos, nagdudulot siya ng pag-asa at lakas ng loob sa mga tao. Hindi niya nililito, niloloko, o itinatago ang katotohanan. Sa halip, nagsasalita siya nang may kalinawan, katapatan at habag. Ang isang lider na mahusay makipag-usap ay kumokonekta sa bawat sektor at tao.

Dapat hindi makasarili 

Ang serbisyong pampubliko ay hindi negosyo.  Ito ay hindi isang karera na binuo para sa katanyagan o kita. Ang isang tunay na pinuno ay hindi nagtatanong, "Ano ang para sa akin?" ngunit “Ano ang maibibigay ko para sa tao?” Hindi niya sinasamantala ang kanyang posisyon para sa pansariling pakinabang. 

Dapat malinaw ang bisyon 

Ang isang tunay na politiko ay hindi lamang nabubuhay sa kasalukuyan, kundi pati na rin sa hinaharap. Ang kanyang pangarap ay hindi para sa kanyang sarili, kundi para sa kinabukasan ng bayan. Dala niya ang isang malinaw, kongkretong pananaw ng isang mas mabuting Pilipinas kung saan walang Pilipinong naiiwan. Bawat plano, bawat pananalita, bawat pagsisikap na ginagawa niya ay nakaugat sa layuning ito.

Higit sa lahat, inaanyayahan niya ang bawat mamamayan na mangarap na kasama niya, na lumakad nang magkasama tungo sa pangmatagalang pagbabago. Dahil ang tunay na pamumuno ay hindi tungkol sa personal na pamana, kundi tungkol sa uri ng bansang ating iiwan.

Lagi’t lagi, ang panahon ng halalan ay ang tamang oras upang maging pantas ang lahat. ‘Wag sayangin ang karapatang bumoto. Kung kaya't bago pumunta sa presinto, mahalaga ang magmuni-muni at alamin kung tumutugma ba ang kandidatong napili mo sa kung anong gusto mong kahinatnan ng Pilipinas. 

Bagaman may susunod pa namang eleksyon, tandaang walang second chance na maibibigay sa atin kung iisang uri lamang ng kandidato ang ating iniluluklok sa pwesto.