Bernadette Soriano

ILOCOS NORTE — Namayani ang Region IV-A CALABARZON Heroes sa ikalawang araw ng Palarong Pambansa 2025 matapos manguna sa Likha Anyo – Individual Categories, na ginanap nitong Mayo 26.


Bumulsa ng tatlong ginto ang rehiyon mula sa magagaling na pagtatanghal nina Yvonne A. Lucas (Elementary Girls Single Weapon), Jana Lorraine S. Quintilla (Secondary Girls Single Weapon), at Liomar L. Aggabao (Secondary Boys Double Weapon).

Hindi naman nagpahuli si Philip Anthony A. Crisponde ng Region V (Bicol) sa Secondary Boys Single Weapon, habang bumandera si Euricka Gayle B. Tictic ng Region X (Northern Mindanao) sa Girls' Double Weapon event.

Sa Elementary Boys Single Weapon, umangat si Gino E. Serrano ng Region XII (SOCCSKSARGEN), habang naging double gold celebration naman para sa Region VI (Western Visayas) dahil kay Melchor G. Bataican III, na wagi sa parehong Double Weapon at Espada y Daga.

Samantala, pinamalas ng Region XIII (CARAGA) ang lakas sa Elementary Girls Division matapos magwagi sina Queen Fairy Rose O. Rante (Double Weapon) at Airielle Ashley C. Lape (Espada y Daga).

Sa kabuuan, namayagpag ang CALABARZON na may tatlong gintong medalya sa Likha Anyo Individual Categories, sinundan ng Region VI (Western Visayas) at Region XIII (CARAGA) na may tig-dalawang panalo.