Ngayong Mayo 2025 ay panibagong yugto sa kalendaryo, muling nasusulat ang kasaysayan ng bansa, ngunit ngayon higit kailanman, ang tinta ng pagbabagong matagal nang inaasam ay nasa kamay ng kabataan. 


Muling humarap sa salamin ng pananagutan ang kabataang Pilipino at sa kanilang boto, mabubunyag ang tunay na mukha ng pagbabago. Handa na ba tayong harapin ang repleksyon na iyon?

Halos 63% o tatlo sa bawat limang rehistradong botante sa Halalan 2025 ay mula sa hanay ng Millennials at Gen Z—isang henerasyong masinop sa impormasyon, mabilis magpakilos sa social media, at hindi takot magtanong sa mga prosesong matagal nang hindi nila kinikilala bilang makatarungan. Ayon sa datos ng Commission on Elections (COMELEC), humigit-kumulang 21.87 milyong kabataang Pilipino ang kabilang sa talaan ng mga botanteng may kapangyarihang makapagpabago ng takbo ng kasaysayan. 

Ngunit sa dami ng bilang, ang tanong: ang boto ba ay bunga ng prinsipyo, o produkto lang ng popularidad? Sa kanilang pagpapasya, maaaring tuldukan ang paulit-ulit na trahedya ng maling pamumuno. Sila ngayon ang pangunahing katiwala ng direksyon ng ating lipunan.

Habang ang mga boto ay kasalukuyang binibilang, at ang mga makinang de-optical scanner ay unti-unting naglalabas ng mga numerong may dalang pag-asa o pangamba, nagsisimula nang mabuo ang larawan ng kolektibong pasya ng sambayanan. Sa bawat tunog ng makina ay may kasamang pangako—pangakong maaaring magpanibago o, kung hindi mag-iingat, muling magpalubog.

Hindi lamang ito usapin ng dami. Ang kabataang Pilipino—lalo na ang Gen Z—ay hindi basta numero sa estadistika. Sila ay milyon-milyong tinig na maaaring bumaligtad sa kasaysayan, kung ito’y kanilang nanaisin. Mga tinig na aalingawngaw sa bawat anunsyo ng partial o opisyal na resulta. Sa bawat isa ay naroon ang pag-asa ng mga pamilyang Pilipino, ang sigaw ng mga inaapi, at ang panalangin ng mga matagal nang naghihintay ng katarungan. Ang kanilang desisyong inukit sa balota ay unti-unting isinasalin sa mga datos na maaaring magsilang ng panibagong yugto para sa bayan.

Hinggil dito, ang pag-usbong ng panibagong liwanag sa tanikala. Sa kabila ng kakulangan sa makinarya gaya ng pondo, billboard, at airtime sa telebisyon, mahigit tatlong milyong Pilipino ang bumoto para sa mga senador sa ilalim ng MAKABAYAN Bloc—ito ay isa lamang patunay na hindi lahat ay nabubulag sa kasikatan. Isang patunay na ang pagboto ay hindi paligsahan ng paandar, kundi pagsusulit ng paninindigan.

Kung susumahin, mahigit tatlong milyong boto ang nabuno mula sa taumbayan na mas pinili ang paninindigan higit sa kung sino ang sikat at umaangat sa mga sarbey. Mas piniling tumindig para sa tunay na paglilingkod higit sa madramang diskusyon ng mga trapo. 

Ang mga kandidatong ito ay walang hawak na dambuhalang campaign machinery o bilyonaryong backer, ngunit bitbit nila ang pinakamahalagang sandata—ang tiwala ng mamamayan. At sa panahon ng krisis sa tiwala, ang pagkakaroon ng integridad ay isang radikal na paninindigan. 

Ang tagumpay na ito, kahit hindi pa pormal, ay simbolo ng pagising ng maraming Pilipino, lalo na ng kabataan. ​​Hindi lamang ito bilang, kundi pahayag—na may kabataang handang bumangon, tumindig, at magsalita.

Hindi natin maipagkakaila na isa pang pagsubok na hindi biro ay ang epekto ng mga dinastiyang pulitikal na dekada nang naghahari sa maraming lungsod.Ayon sa Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), 113 sa 149 na lungsod ay kontrolado pa rin ng mga pamilyang pulitikal. Isa itong status quo na kayang-kayang gibain ng boto ng kabataan—kung gugustuhin nila. Kung magpapatuloy ang pagboto batay sa apelyido o kasikatan, sinasayang ang pagkakataong ituon sa mga lider na tunay na may bisyon para sa bayan. Ang pagboto batay sa pangalan ay pagboto para sa nakaraan; ang pagboto batay sa prinsipyo ay pagboto para sa kinabukasan.

Gaya na lamang ng nangyari sa Las Piñas, na kung saan natuldukan ang dekadang-taon na dinastiyang pulitikal ng mga Villar. 

Si Mark Anthony Santos, isang konsehal ang nanaig sa pulso ng taumbayan para maluklok bilang Las Piñas representative sa kongreso, na mayroong 108,206 na boto laban kay dating senador Cynthia Villar, na may 78,526 na boto lamang. Ang tagumpay ni Santos ay hindi lamang laban ng isang tao—ito ay tagumpay ng ideya na posible ang pagbabago kung may sapat na tapang at suporta mula sa mamamayan.

Kung kaya ng Las Piñas matuldukan ang dinastiyang pulitikal pilit na nalululuklok sa haba ng panahon, marahil kaya rin itong magawa sa buong Pilipinas. Kung mayroon kredensiyal, plataporma na makakatulong sa pangkalahatan, at paninindigan ang mga kandidato na tumatakbo sa posisyon. Hindi imposible ang pagbabago, kung hindi tayo pipikit sa posibilidad nito.

Higit pa rito, ang eleksyon 2025 ay sumasalamin kung paano nababago ng kabataan ang takbo sa pulitika. 

Ang kabataan ngayon ay hindi na lamang tagasunod sa agos ng pulitika. 

Sila ang magiging daluyan ng bagong pamumuno. Isang pamumunong may malasakit, may pangarap, at higit sa lahat, may pakialam.

Ang pagboto ay unang hakbang sa pagbabagong hinahangad. Hindi ito nagtatapos sa pagpila sa presinto, kundi panimulang panata. Ang bawat boto ay pangakong hindi magbubulag-bulagan; pangakong maninindigan kahit matapos ang halalan.

Hindi ito pabuya sa sinumang sikat. Hindi ito gantimpala sa sinumang may pangalan. Ito ay karapatang dapat gamitin nang may talino at paninindigan. At sa paghawak natin ng felt pen ng demokrasya, tayo ang nagsusulat ng panibagong kabanata ng kasaysayan.

Sapagkat ang boto ng kabataan ang magiging mukha ng gobyernong ating matatanaw sa mga susunod na mga taon. Kung gusto natin makita ang pagbabago, magsisimula ito sarili nating mga kamay.

Nawa’y magpatuloy ang paninindigan ng mga kabataan sa mga susunod pa na mga eleksyon gaya na lang sa taong 2028.

Kung nais ng kabataang maging tunay na mukha ng pagbabago, kailangan nilang yakapin ang kaalaman, hindi ang kumpiyansa sa ingay; dahil ang pagkamulat ay hindi lamang pagtingin, kundi ang lakas ng loob na kilalanin ang mga bagay na hindi sakop ng kanilang kabatiran. Hindi sapat ang maging mulat—dapat ding maging mapanagot.

Dahil ang kinabukasan ay hindi lamang bukas—ito ay isinusulat natin ngayon, sa bawat boto, sa bawat paninindigan, sa bawat tinig na tumatangging manahimik.